Sotto

Aprubado na sa 2nd pagbasa ng Senado ang ₱6.793-trilyong badyet para sa 2026

645 Views

INAPRUBAHAN ng Senado sa ikalawang pagbasa ang panukalang ₱6.793-trilyong pambansang badyet para sa 2026 — ang pinakamalaki sa kasaysayan ng bansa.

Pinangunahan ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang sesyon kung saan inihain ni Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri ang mosyon na isara na ang period of amendments. Agad itong inaprubahan ng mga senador.

Ipinresenta ni Sen. Sherwin Gatchalian, Vice Chairman ng Senate Finance Committee at sponsor ng panukalang badyet, ang “general summary” ng mga amyenda. “With the consent of the body, I move that the general summary be accepted as the amendment to the House Bill No. 4058,” aniya, sabay pahayag na ilalabas ang kumpletong detalye ng mga pagbabago sa Disyembre 6 bago ang pinal na pagbasa.

Sa naturang sesyon, binigyang-diin ni Sen. Alan Peter Cayetano ang kakulangan ng specialty hospitals sa mga probinsya. “If we don’t start building, when will we have all of these?” tanong niya, kasabay ng panawagang maglaan ng ₱5 bilyon para sa pagtatayo ng dalawang ospital sa Hilaga at Timog Mindanao. Ayon sa kanya, makatutulong ito upang mapigilan ang pag-alis ng mga doktor na lumilipat sa Singapore at Malaysia.

Ipinaliwanag naman ni Gatchalian na ang estratehiya ng Department of Health ay ang pagtatatag ng specialty centers sa loob ng mga kasalukuyang provincial hospitals, sa halip na magtayo ng bagong gusali.

Tiniyak din ni Sen. Joel Villanueva na naisama sa panukala ang karagdagang pondo para sa TESDA, partikular sa mga assessors at sa pagpapalawak ng Technical-Vocational Education and Training (TVET) programs. “May we know if the new committee report adopted also our suggestion… for our assessors?” ani Villanueva, na nagsabing nasa 16,000 lamang ang assessors sa buong bansa.

Inaasahang maipapasa sa ikatlo at huling pagbasa ang 2026 General Appropriations Bill bago magbakasyon ang Kongreso ngayong Disyembre.