PAGASA

PAGASA: Pacific binibira ng La Nina

451 Views

NARARANASAN ngayon sa Pacific ang La Niña na inaasahang magtatagal hanggang sa unang quarter ng 2026, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Ayon sa state weather bureau, mas mataas ang tsansa na magkaroon ng above-normal rainfall mula ngayong Disyembre hanggang Feb. 2026 na maaaring magdulot ng pagbaha, flashfloods at rain-induced landslides.

“Simula pa noong Setyembre 2025, nagsimulang bumaba ang sea surface temperatures sa gitna at equatorial Pacific at lalo pang bumaba noong Nobyembre na umabot sa mahinang La Niña threshold.

Batay sa pinakahuling forecast, malaki ang posibilidad na magpapatuloy ang La Niña hanggang unang quarter ng 2026,” dagdag pa nito.

Paliwanag ng PAGASA, itinuturing na weak La Niña kapag ang one-month sea surface temperature anomaly (SSTA) ay -0.5°C o mas mababa at inaasahang makakamit ang three-month SSTA (Oceanic Niño Index) na -0.5°C o mas mababa.

“Malaki ang posibilidad na magpatuloy ang La Niña hanggang sa panahon ng Disyembre 2025 hanggang Pebrero 2026, gaya ng ipinapakita ng ilang climate models,” sabi nito.

Karaniwan, ang La Niña ay nagdudulot ng above-normal rainfall sa malaking bahagi ng bansa sa huling quarter ng taon at unang buwan ng susunod na taon, ayon pa sa PAGASA.

Dagdag pa ng PAGASA, may posibilidad din ng mas madalas na tropical cyclone activity sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa nasabing panahon.