Sotto

Pangulo sinabing dapat makita ng publiko mga pagbabago — Sotto

193 Views

KINUMPIRMA ni Senate President Vicente C. Sotto III na suportado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagsasapubliko ng bicameral conference committee (bicam) meetings sa pamamagitan ng livestreaming, kasabay ng pagsama ng administrasyon sa ilang pangunahing panukalang batas bilang prayoridad.

Ayon kay Sotto, mismong si Marcos ang nagsabing dapat makita ng publiko kung paano pinapasok ang mga pagbabago sa panukalang batas, lalo na sa badyet para sa mga pangunahing ahensya tulad ng Department of Education at Department of Health.

“Mismo nagsabi ang Presidente — kitang-kita ng publiko, sino-sino naglagay ng ganito, sino-sino nagpasok niyan, anong budget para sa mga 3 pinakamahalaga — DepEd, DOH,” aniya.

Paliwanag pa ng senador, ang mungkahi ay bahagi ng mas malawak na kampanya para sa transparency sa pamahalaan, kabilang ang Anti-Dynasty Bill, Party-list System Reform Act, Independent People’s Commission Act, at Cadena (Citizens Access Disclosure of Expenditures for National Accountability) Act — mga panukalang isinama sa priority list ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

“Walang kinalaman sa laman gusto namin, naka-open, kitang-kita ng publiko,” giit ni Sotto, ukol sa layunin ng livestreaming ng bicam deliberations.

Dagdag pa niya, sang-ayon si Marcos na unahin muna ang malinaw na depinisyon ng political dynasty bilang pundasyon ng patas na pagpapatupad ng batas. “Ang importante kasi kanina sa sabi nga ng Presidente that we agree because define muna natin ano ang political dynasty. Pag na-define natin yun madali na yung patas,” pahayag ni Sotto.

Kabilang din sa natalakay ang mga panukalang amyenda sa party-list system at ang Infrastructure Anomalies Prevention Act, na layong gamitin ang teknolohiya gaya ng blockchain, BIM, at virtual ledger tracking upang hadlangan ang katiwalian sa mga proyekto ng pamahalaan.

Pinapakita ng mga mungkahing ito ang layunin ng administrasyon na gawing mas bukas, episyente, at moderno ang mga proseso sa gobyerno.