PSA Larawan mula sa PSAHelpline.ph

Pulong humiling ng travel clearance, gustong bumiyahe ng 2 buwan sa iba’t ibang bansa

269 Views

DALAWANG buwan na bibiyahe si Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Z. Duterte patungo sa iba’t ibang bansa simula kalagitnaan ng Disyembre, ayon sa liham nito kay Speaker Faustino “Bojie” Dy III kung saan ay humiling ito ng pahintulot

Tiniyak niya sa liderato ng Kamara na walang gagastusin ang gobyerno at patuloy siyang dadalo sa mga sesyon nang virtual.

Sa isang liham na may petsang Disyembre 1, 2025, binuksan ni Duterte ang kanyang mensahe ng, “Greetings from the First District of Davao City!” at saka inilahad ang kahilingan para sa travel clearance na sumasaklaw sa mahabang itineraryo kabilang ang Hong Kong, China, Malaysia, Indonesia, South Korea, Japan, Vietnam, Cambodia, United States, Australia, United Kingdom, the Netherlands, Germany, France, Belgium, Italy at Singapore.

Sinabi niyang nakatakda ang biyahe “from the 15th of December, 2025 to 20th of February, 2026.”

Ani Duterte, ang biyahe ay isasagawa nang walang gastos mula sa gobyerno.

“Rest assured that the expenses that will be incurred from this trip are from my personal funds alone,” aniya sa Speaker.

Humiling din siya ng pahintulot kay Dy na makadalo sa mga sesyon ng Kamara nang remote habang wala siya.

“In addition, this is also to seek your kind indulgence in allowing this Representation to attend the scheduled plenary sessions and meetings virtually from the aforementioned dates,” ani Duterte sa liham.

Tinapos ng mambabatas ang kanyang liham sa pagpapahayag ng pasasalamat para sa anumang paborableng aksyon mula sa Speaker, na sinabing, “It is with esteemed appreciation if this will merit your preferential action and approval.”

Tinapos niya ang liham sa mainit na pagbati na pamilyar sa kanyang mga kababayan sa Mindanao: “Daghag Salamat!”

Kasalukuyang pinag-aaralan ng opisina ng Speaker ang kahilingan ni Duterte.