Bata

Batang journalist nagbigay ng pag-asa sa kabila ng mga di magandang balita

267 Views

INAKDA ni Justine Denise Legaspi na Grade 6 campus journalist mula sa Special Education Center for the Gifted (SPED-G Kalayaan) sa Subic Bay Freeport Zone, ang artikulo ay nagbibigay ng makabuluhang komentaryo tungkol sa pag-asa at katatagan sa gitna ng mga nakababahalang pangyayari sa bansa.

Sa kabila ng mga kasong katiwalian kamakailan na kinasasangkutan ng matataas na opisyal ng pamahalaan na yumanig sa tiwala ng publiko, nananatiling optimistiko ang batang manunulat tungkol sa kinabukasan ng bansa.

Narito ang kabuuan ng kanyang akda:

Bilang isang kabataang Gen Alpha, hindi ko inakalang magiging ganito kalala ang panunuod ng balita sa telebisyon at pagbabasa ng mga nagaganap sa pahayagan. Paulit-ulit ang pagbanggit sa kaliwa’t-kanang iskandalo at pagnanakaw sa kaban ng bayan.

Sa murang edad ko na ito, hindi ko maiwasang magtanong: Kung ganito ng ganito ang laman ng mga balita, may pag-asa pa ba ang ating bansa?

Siyempre, may kaba at takot akong nararamdaman. Paano na ang kinabukasan naming mga kabataan kung magpapatuloy ang kataksilan ng ilang taong-gobyerno na walang pakundangang nanloloko sa kanilang sinumpaang-tungkulin sa bayan.

Gusto kong maniwala na ligtas, maayos, at may pag-asa pa din ang kinabukasang daratnan namin. Ito ay sapagkat nakakabahala mang isipin ang lahat ng nagaganap ngayon, hindi ako dapat mawalan ng pag-asa. Naniniwala akong may matitinong lider pa rin na uusbong—mga matitinong Pilipinong magdudulot ng pagbabago at mga kailangang reporma sa darating na bagong henerasyon.

Sa ngayon, ang tanging magagawa muna namin ay maging mabuting mamamayan. Isang halimbawa nito ay pagsisimula sa simpleng katapatan. Hindi pandaraya sa exam, hindi pagsisinungaling sa aming mga magulang, at hindi panloloko sa aming kapwa. Dito nagsisimula ang paggawa ng kabutihan. Kung matutunan namin ang maging matapat habang bata pa, madadala namin ’yon hanggang lumaki kami. At kapag dumating ang panahon na kami naman ang bibigyan ng pagkakataong magka posisyon, iba na marahil ang magiging takbo ng sitwasyon.

Masakit makita ang mga balitang puro kabiguan at kataksilan. Ngunit hangga’t may mga kabataan na naniniwalang kaya pang isaayus ang Pilipinas, hindi pa tapos ang libro ng ating bayan. May liwanag pa rin—kahit minsan ay tila mahirap nga lang paniwalaan at hanapin.