Dy

Speaker Dy: Ang Kamara ay laging maninindigang katuwang ng mga manggagawang Pilipino

207 Views

MULING tiniyak ni SPEAKER Faustino “Bojie” G. Dy III noong Biyernes ang paninindigan ng House of Representatives na tumayong kaagapay ng mga manggagawang Pilipino, binigyang-diin ang malawak at patuloy na lumalawak na adyendang paggawa na isinusulong sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pakikipagtulungan sa mga organisasyon ng mga manggagawa.

Ipinunto ni Dy ang institusyonal na pakikiisa ng Kamara sa sektor ng paggawa.

“Gusto ko pong sabihin ito nang malinaw: ang House of Representatives ay inyong katuwang. Ang Kapulungan po ninyo ay bukas palagi para sa inyo,” ani Dy.

Ayon sa Speaker, ang pangakong ito ay nakaugat sa sentral na papel ng mga manggagawang Pilipino sa pambansang kaunlaran.

“Ang aming mga pinto ay laging bukas para sa inyo, dahil ang lakas ng ating inang bayan ay nakaugat sa lakas ng manggagawa,” ani Dy.

Binanggit ni Dy na ramdam ng mga mambabatas ang epekto ng aktibong pakikilahok ng mga manggagawa sa loob ng Kongreso.

“At sa Kongreso, ramdam na ramdam po namin iyon. Dahil sa pakikipagtulungan ninyo, mabilis ang pag-usad ng maraming panukalang batas na may direktang epekto sa manggagawa,” aniya.

Tinukoy ng pinuno ng Kamara ang mga panukalang may kinalaman sa paggawa na naaprubahan na sa antas ng komite, kabilang ang mas matibay na proteksiyon laban sa diskriminasyon sa lugar ng trabaho, partikular para sa kababaihan; ang paglikha ng mga rehistro ng manggagawa sa antas ng barangay upang mapabuti ang job matching at pagsasanay sa kasanayan; at ang modernisasyon ng National Registry of Workers.

Itinuro rin ni Dy ang institusyonalisasyon ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD, isang emergency employment program ng Department of Labor and Employment na nagtitiyak ng tuluy-tuloy na proteksiyon at tulong para sa mga nawalan ng trabaho at mga manggagawang bulnerable.

Binanggit pa niya ang mga panukalang batas na nagpapalawig ng proteksiyon at insentibo para sa mga freelancer at online workers, ang pagtutulak para sa isang mas makatarungang minimum wage system na hindi na nakabatay lamang sa heograpiya, at ang suporta ng Kongreso sa ratipikasyon ng International Labour Organization Convention 188 upang maprotektahan ang mga mangingisdang Pilipino.

Sa kabuuan, ayon kay Dy, malinaw ang direksiyon ng mga repormang ito.

“Lahat ng ito ay malinaw na mensahe: hindi tayo pwedeng tumigil. Hindi tayo pwedeng makuntento,” aniya.

“Kumikilos tayo dahil mas marami ang nararapat para sa mga manggagawa.”

Muling iginiit ni Dy na ang alyansa ng Kamara sa sektor ng paggawa ay isang tuloy-tuloy na pangako at hindi basta salita lamang.

“Ang House of Representatives ay at mananatiling katuwang ng uring manggagawa. Hindi po ito slogan; ito ay pangako,” ani ng Speaker.

Tiniyak niya sa mga manggagawa ang patuloy na pagkilos ng lehislatura sa ilalim ng kanyang pamumuno.

“Hindi kami magsasara ng pinto. Hindi kami magsasara ng isip. Hindi kami magsasara ng puso. Asahan po ninyo: habang ako ang Speaker, tutuloy ang laban para sa mas makatao, makatarungan, at makabagong polisiya para sa manggagawang Pilipino,” aniya.