Drugs

Eco-bag iniwan sa Makati, may lamang P7.13M illegal droga

Jon-jon Reyes Dec 15, 2025
276 Views

Drugs1TUMAMBAD sa pulisya ang mahigit P7.13 milyong halaga ng mga ilegal na droga na laman ng inabandonang eco-bag Linggo ng makapananghali sa Makati City.

Unang nadiskubre ng isang obrero ang inabandonang eco bag dakong alas-11:05 ng umaga sa Apartment Ridge Street, Brgy. Urdaneta kaya’t kanya kaagad itong itinawag sa Sub Station 5 ng Makati Police.

Nang dumating ang mga tauhan ni Makati police chief P/Col. Pedro Alagano. Jr. sa lugar dakong alas-12:20 ng makapananghali, laking gulat nila nang matuklasan na iba’t-ibang uri ng mga ilegal na droga ang laman ng eco bag.

Sa kanyang ulat kay Southern Police District (SPD) District Director P/BGen. Randy Arceo, sinabi ni Col. Alagano na kinabibilangan ng 3,665 na piraso ng Ecstacy tablet, 437 gramo ng Marijuana Kush, 18 piraso ng Marijuana Oil Vape Cartridges, at 43-gramo ng hinihinalang cocaine ang laman ng mga eco-bag.

Sa pamantayang halaga ng mga ilegal na droga ng Station Enforcement and Control Unit (SECU) ng Makati police, aabot sa P 6,230,500.00 ang halaga ng nakumpiskang Ecstasy tablet, P23,400 ang Marijuana Oil Vape Cartridges, P655,000 ang Marijuana Kush at P22,600 naman ang cocaine na kung susumahin ay may kabuuang P7,131,500.