Gatchalian

Pagbaba sa budget ng DPWH galing sa ahensya mismo — Gatchalian

234 Views

DEADLOCK sa bicam ngayong araw lang!”

Ipinahayag ni Senate Committee on Finance chair Sen. Sherwin Gatchalian na ang P45 bilyong kaltas ng Senado sa panukalang 2026 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay nagmula mismo sa price adjustment factors na isinumite ng ahensya.

Sa gitna ng hindi pagkakasundo sa bicameral conference committee, iginiit ni Gatchalian na pansamantala lamang ang naturang pagbabawas at ipinatupad ito ng Senado sa lahat ng proyektong nakapaloob sa panukalang badyet.

“Gusto ko linawin ang ginawa namin ang pagbaba sa budget ng DPWH, particularly ang presyo ng materiales, galing sa DPWH mismo,” Gatchalian said. “Nagbigay sila sa amin ng mga tawag nila adjustment factors. At ang adjustment factors inapply namin sa lahat ng proyekto na nasa loob ng budget.”

Ayon sa senador, tinatayang nasa P45 bilyon ang kabuuang natipid matapos ilapat ang mga adjustment factor sa mga lokal na proyekto.

“Kaya tayo nakatipid ng around P45B sa mga local projects,” he said.

Binigyang-diin ni Gatchalian na umasa ang Senado sa mga teknikal na input ng DPWH sa pagsusuri ng badyet dahil wala umanong sariling engineering team ang Mataas na Kapulungan.

“Una-una wala kaming engineers dito sa Senado. Wala kaming engineers sa aming team. So ang adjustment factor na ’yan ay manggagaling lang sa kanila,” aniya.

Dagdag pa niya, aktibong nakipag-ugnayan ang mga kinatawan ng DPWH sa Senado sa buong proseso ng budget deliberations.

“In fact pumunta pa dito ang mga representatives ng DPWH para makipag-coordinate sa amin. Kaya kampante kami na ang application namin ay naayon sa dokumento ibinigay sa amin ng DPWH,” ani Gatchalian.

Gayunpaman, binanggit ng senador na naghayag na ngayon ng pangamba ang DPWH na posibleng hindi na maisakatuparan ang ilang proyekto dahil sa naging pagbabawas.

“Ngayon sinasabi ng DPWH ay hindi ma-implement ang iba. Yan ang sinasabi nila ngayon,” he said, na tinawag ang usapin bilang isang teknikal na isyu.

“That’s a technical issue. Di naman kami engineer. Inaamin ko hindi ako expert pagdating sa implementation ng infrastructure projects,” he added.

Sinabi rin ni Gatchalian na hiniling ng Senado sa DPWH na tukuyin kung aling mga bahagi ng panukalang badyet ang itinuturing na overpriced upang ang mga ito ang alisin.

“Kung sinasabi niyo ang presyo sa 2026 budget ay overpriced, magkano ang overpriced na ’yan para puwede naming tanggalin sa 2026 budget?” he said.

Iginiit niya na matatag ang paninindigan ng Senado laban sa pag-apruba ng mga item na may labis na presyo.

“Very firm. Ayaw namin ng overpriced items,” Gatchalian said.

Kinilala rin ng senador na may ilang proyekto na nangangailangan pa ng masusing pagsusuri dahil sa mga teknikal na paliwanag ng DPWH hinggil sa mas mataas na gastos.

“May projects na kulang application namin. So it means mas mahaba pa dapat yung kalsada,” he said.

Tungkol naman sa mga farm-to-market roads, ipinaliwanag ni Gatchalian na dumaan ang lahat ng ito sa tamang ahensya upang matiyak ang maayos at koordinadong implementasyon.

“Yung mga farm-to-market roads, lahat ’yun ay dumaan sa ahensya. Importante kasi dumadaan sa ahensya para coordinated with the agency sa implementation,” he said.

Sa kabuuan, binigyang-diin ni Gatchalian na nananatiling prayoridad sa panukalang 2026 budget ang edukasyon at kalusugan, kabilang ang P1.3 trilyong pondo para sa education sector at zero-balance billing sa mga pampublikong ospital.

“Ang kabuuan, 1.3 trillion ang budget ng education sector… sa health naman na-fund natin ang zero balance billing so lahat ng government hospitals libre,” he said.