Calendar
Matagal nang isyu sa BOIF tinalakay sa Senado
BINUSISI ng Senate Committee on Local Government noong Disyembre 16 ang umano’y matagal nang isyu sa Barangay Officials Insurance Fund (BOIF) habang tinatalakay ang mga panukalang batas na may layuning magbigay ng fixed salaries, benepisyo, at mas matibay na suportang pondo para sa mga opisyal ng barangay.
Sa pagdinig na pinangunahan ni Sen. Jinggoy Ejercito Estrada, sinabi ng GSIS na ang BOIF ay “remained unfunded” mula pa noong 1995 at binanggit ang premium receivables mula sa DBM na umaabot sa ₱1.221 bilyon noong Nobyembre 30, 2022, kasama ang interes.
“Since 1995? So that’s 30 years ago? 30 years na kayo hindi nagbabayad?,” tanong ni Estrada sa DBM, na nagsabing ibe-verify at magbibigay ng update sa komite.
Iginiit ng GSIS na para masaklaw ng GSIS ang mga opisyal ng barangay, kailangang ilipat ang kompensasyon sa fixed salary basis sa halip na honoraria, na nakapaloob sa ilang panukala sa Magna Carta at compensation bills na nakabinbin sa Senado.
Pinuna rin ni Estrada ang kakulangan umano ng follow-through sa mga panukala, at sinabi sa DILG na may mga proposal pang mula 2019. “2019 pa. 2025 na ngayon,” wika niya.
Samantala, iginiit ni Sen. Rodante Marcoleta na mas mababa umano ang tunay na average honorarium ng punong barangay kaysa sa inilatag na datos ng DILG, at tinayang nasa ₱8,000 lamang ito kada buwan sa buong bansa. “₱8,000 Mr. Chair is the salary of our kasambahay in Manila,” ani Marcoleta, sabay banggit na marami ang walang social protection.
Iniulat din ng COMELEC na may 2,119 bakanteng posisyon sa Sangguniang Kabataan sa buong bansa mula sa 336,008 SK positions dahil sa kawalan ng kandidato o hindi pag-upo sa puwesto, at iginiit na maaaring mahikayat ang kabataan sa pamamagitan ng insentibo.
Sinabi ng DBM na may dating estimate na ₱330.13 bilyon ang kakailanganing pondo para sa fixed salaries batay sa 2019 computation, ngunit wala pa itong updated estimate habang hindi pa pinal ang istruktura ng reporma.
Inatasan ni Estrada ang mga ahensya na magsumite ng position papers at karagdagang datos matapos ang bakasyon habang isinusulong ang pagko-consolidate ng mga panukala.
