Mag-ama sa Bondi attack nagpunta sa Pinas ng 1 buwan bago ang shooting

284 Views

KINUMPIRMA diumano ng Bureau of Immigration (BI) nitong Martes ang pagbisita sa Pilipinas ng mag-amang suspek sa pamamaril sa Bondi Beach sa Sydney, Australia, kung saan 15 katao ang namatay sa idinaraos na Jewish festival.

Ayon sa mga balita, sinabi umano ng BI na sa lumabas na rekord ay Davao ang idineklarang huling destinasyon ng mga suspek na sina Sajid Akram, 50-anyos, at ang 24-anyos na anak nitong si Naveed, na kapuwa Indian nationals.

Sila ay dumating sa Pilipinas noong Nobyembre 1 mula sa Sydney, at umalis ng bansa noong Nobyembre 28.

Inaalam pa ng BI ang kabuuang detalye ng pagbisita nila sa bansa.

Ayon sa Department of Foreign Affairs, walang Pilipinong nadamay sa insidenteng pinaniniwalaang sinadya ng mga suspek.

Napaulat na ang nangyaring pamamaril ay dahil umano sa galit o diskriminasyon sa mga Hudyo.

Natuklasan naman sa sasakyan ng mga suspek ang bandila at ilang improvised explosive devices, kaya iniimbestigahan na rin ang posibleng pagkakasangkot o kaugnayan nila sa Islamic State terror ideology.

Nauna nang humingi ng tulong ang Philippine National Police (PNP) sa BI sa pagberipika sa impormasyon na ang mga armadong salarin sa madugong pag-atake sa Bondi Beach ay nanatili sa bansa ilang linggo bago ang karumal-dumal na pamamaril.

“We’ve asked the help of the Bureau of Immigration to verify reports that the gunmen may have stayed in the country prior to the incident,” sinabi ng isang PNP senior official na tumangging magpakilala.

Isa pang security official ang nagsabi na wala silang impormasyon hinggil sa mga ulat na nagsanay ang mga suspek sa isang kampo ng terorista sa Mindanao noong nakaraang Nobyembre, bagama’t kinumpirma niya na nagtungo ang mga salarin sa Davao Region.

Kinumpirma naman ng tagapagsalita ng PNP na si Brigadier General Randulf T. Tuaño na ang PNP Directorate for Intelligence ay humingi ng tulong mula sa immigration authorities para beripikahin ang ulat.

Gayunpaman, sinabi ni acting PNP Chief Lieutenant Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. na wala silang natukoy na anumang malaking banta sa seguridad sa bansa kasunod ng nakagigimbal na terror attack sa pinakasikat na beach sa Sydney.

“We have not monitored any security threats but are not lowering our guard to ensure the safety of everyone,” aniya.

Samantala, iniulat ng PNP na naging mapayapa ang unang araw ng tradisyonal na Simbang Gabi, at walang naitalang anumang insidente sa buong bansa.

Lahat ng yunit ng pulisya sa bansa ay inilagay sa heightened alert upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga dumadalo sa misa sa madaling araw, lalo na sa mga simbahan at kalapit na lugar na may malalaking pagtitipon.

Ani Nartatez, ang maayos na pagdiriwang ay dahil sa maagap na pagde-deploy ng mga tauhan at pakikipagtulungan ng publiko.

“The first Simbang Gabi was generally peaceful, and we are thankful that no untoward incidents were recorded nationwide. This reflects the readiness of our police units on the ground and the discipline and cooperation of our communities,” aniya.

Idinagdag niya na mananatili ang pinaigting na presensiya ng pulisya sa buong siyam na araw ng Simbang Gabi, bilang bahagi ng mas malawak na operasyon ng PNP para sa seguridad ngayong kapaskuhan.

“We will continue to sustain our deployments in churches, major roads, and convergence areas to make sure that our kababayan can attend religious activities safely and with peace of mind,” sinabi ni Nartatez.

Ang mga pinaigting na hakbang sa seguridad ay naplano bago pa ang insidente kung saan ang mag-amang armado ng mahahabang baril ay pumatay ng 15 katao, kabilang ang isang 10-anyos na batang babae, sa Bondi Beach sa Sydney.

Sinabi ni Australian Prime Minister Anthony Albanese na ang mga salarin ay tila pinamunuan ng “Islamic State ideology.”

May mga ulat din na ang mga suspek ay naglakbay sa Pilipinas para sa “military-style training” ilang buwan bago ang pamamaril sa isang selebrasyon ng Hanukkah sa Bondi Beach. Nina JON-JON REYES & ALFRED DALIZON