Lacson

Lacson umaasang safeguards sa 2026 budget, pagmamatyag vs abuso, tutulong sa pagdulot ng pagbabago

408 Views

KUNG kasama ang mga safeguards at iba pang safety measures, at patuloy na pagbabantay laban sa pag-abuso sa kaban ng bayan, mataas ang pag-asa ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson na makatutulong ang 2026 budget sa pagdadala ng positibong pagbabago para sa mga Pilipino.

Pinuri ni Lacson ang Senate panel sa bicameral conference committee na pinamunuan ng Senate finance committee chairman na si Sherwin Gatchalian dahil sa paninindigan nito para sa mga pananggalang at transparency measures na ipinasok ng Senado.

“Amid all the disinformation and unreasonable criticisms, we have all the reasons to be proud of our Senate panel under the leadership of our Finance Chair Senator Win. I give my two thumbs up from start to finish,” ani Lacson.

“We do not live in a perfect world, much less in an ideal situation, so we cannot be perfectionists and idealistic given the circumstances. That’s why adjustments must be made both ways,” dagdag niya.

Kabilang sa mga pananggalang na inilagay ng Senado ang mahigpit na pagbabawal sa anumang guarantee letters at lahat ng anyo ng epal sa lahat ng ayuda; ang mahigpit na pagpapatupad ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) sa ilalim ng Universal Health Care program at alinsunod sa UHC law; at ang buwanang oversight sa pagpapatupad ng mga proyektong pang-imprastruktura at farm-to-market roads, kabilang ang paglalagay ng grid coordinates upang madaling masubaybayan ng media at publiko.

Muli ring nanawagan si Lacson sa publiko na makiisa sa kanya at sa mga kapwa mambabatas na kapareho ng pananaw upang manatiling mapagbantay laban sa pang-aabuso sa pondo ng bayan, kahit matapos iratipika ng Kongreso ang badyet at lagdaan ito bilang batas ng Pangulo.

“As long as we all remain vigilant in guarding against abuse of public funds, we can always remain hopeful that things can change for the better,” aniya.