Calendar
PA posted online susi para PUVs makabyahe–LTFRB
PINAYAGAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga drayber at operator ng public utility vehicles (PUVs) na makabyahe sa sandaling ipaskil sa online verifier ng ahensya ang kopya ng kanilang Provisional Authority (PA).
Karaniwan, maaari lamang makabiyahe ang mga PUVs kapag hawak na ang hard copy ng PA.
Ngunit sa ilalim ng LTFRB Board Resolution Blg. 388, nabawasan ang oras ng paghihintay dahil maaari nang makabiyahe ang mga PUVs sa sandaling ma-upload ang PA sa online verifier system.
Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, bahagi ito ng pagsunod ng ahensya sa Republic Act No. 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.
Itinataguyod ng batas ang pagsasaproseso ng mas pinasimpleng mga rekisito at pamamaraan upang mabawasan ang red tape at mapabilis ang mga transaksyon sa pamahalaan.
“Kinakailangan munang ma-upload ang Provisional Authority sa verifier system para sa proteksyon ng mga drayber at operator. Sa oras na sila ay sitahin, madaling ma-verify ng mga enforcer na may lehitimong papeles silang pinanghahawakan,” ani Chairperson Mendoza.
Dagdag pa niya, ang desisyon ay bunga ng kanyang pangako na pabilisin ang pagresolba sa mahigit 37,000 backlog ng mga petisyon, mosyon at aplikasyon na kanyang natuklasan bilang pinuno ng LTFRB.
“Sa desisyong ito, mas maraming PUV ang maidaragdag sa kalsada para sa kapakinabangan ng mga mananakay at ito ay napapanahon dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong Kapaskuhan,” dagdag ng LTFRB chairperson.

