Driver Ang wala nang buhay na katawan ni alias “Jano” nang natagpuan ng mga awtoridad na lumulutang sa ilog. Larawan ni GEMI FORMARAN

Driver ng gun-for-hire leader na nasawi sa Quezon natagpuang patay

Gemi Formaran Dec 21, 2025
245 Views

CANDELARIA, QUEZON ― Matapos ang mahabang paghahanap, natunton ng pulisya ang isa sa mga tauhan at drayber ng napaslang na lider ng kilabot na gun-for-hire gang sa Quezon, subalit wala na rin itong buhay na nakalutang sa ilog sa Sitio Pulyok, Barangay San Isidro, sa bayang ito, Linggo ng umaga.

Kinilala ni Quezon Police Director Col. Romulo Albacea ang natagpuang katawan na si alyas “Jano,” residente ng Brgy. Del Rosario, Tiaong, Quezon.

Ayon kay Albacea, si Jano ang drayber ni alyas “Mark,” ang sinasabing lider ng kilabot na gun-for-hire gang na nasawi sa isinagawang pursuit operation noong Sabado ng umaga.

Nabawi kay Mark ang isang M16 ArmaLite rifle at pistol sa clearing operation, habang isa pang M16 ArmaLite rifle na pinaniniwalaang pag-aari ni Jano at ang Toyota Hilux na kanyang minamaneho ay narekober din.

Ayon kay Candelaria Police Chief Lt. Col. Rommel Sobrido, ang katawan ni Jano ay natagpuang nakalutang sa kahabaan ng Malaking Ilog dakong alas-9 ng umaga sa nasabing barangay.

Nakasuksok umano sa baywang ni Jano ang isang pistola at nasa bulsa naman niya ang isang magazine para sa M16 ArmaLite rifle.

Isa sa mga barangay tanod na nakasaksi sa unang engkuwentro noong Biyernes ang nagsabi sa pulisya na nakita niyang tumatakas si Jano matapos tamaan ng bala sa gitna ng putukan.

Matatandaang nagkasagupa ang mga suspek at isang grupo ng mga pulis mula sa First Quezon Provincial Mobile Force Company (First QPMFC) sa ilalim ni Lt. Col. Reynaldo Reyes, habang nagsasagawa ng mobile patrol operation sa naturang barangay.

Sisitahin sana ng mga pulis ang mga suspek na nakatambay malapit sa sagingan nang bigla silang pinaputukan ng mga ito na ikinasawi ng isang pulis at ikinasugat ng dalawa pa nitong kasama.

Mabilis namang nakaganti ng putok ang mga pulis kung kaya nagsitakas agad ang mga suspek at naiwan ang kanilang sasakyan na minamaneho ni Jano.

Sa pangunguna ni Albacea mismo at ni Reyes, nagsagawa ang pulisya ng malawakang pursuit operation kinabukasan at muling naengkuwentro ng mga ito ang grupo na ikinasawi ng kanilang lider na si Mark.