Nanay

Kelot tinutukan ng baril ina sa loob ng bahay

277 Views

SCIENCE CITY OF MUÑOZ, Nueva Ecija – Tiklo sa rumespondeng pulis ang isang lalaking nagwala at nanutok diumano ng baril sa kanyang 47-anyos na ina at lalong nalagay sa alanganin ang sarili matapos makuhanan ng halos P1-milyong halaga ng “kush” o high-grade na marijuana sa isang operasyon noong Sabado ng gabi dito.

Ayon kay Nueva Ecija top cop Col. Heryl L. Bruno, ang matagumpay na operasyon ay bunga ng isang tawag sa telepono mula sa Barangay Catalanacan nang maganap ang umano’y insidente ng panunutok ng baril sa lugar.

Sinabi ni Bruno na mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng lokal na pulisya sa ilalim ni Lt. Col. Andres D. Calaowa Jr. at agad hinuli ang 27-anyos na anak ng biktima na nagtangkang tumakas gamit ang kanyang pulang Toyota Innova.

Positibong kinilala ng ina ang kanyang anak na siya mismong nagbanta sa kanya sa loob ng kanilang bahay gamit ang isang pistola.

Nakumpiska ang walang lisensiyang cal.9mm pistol ng suspek na may limang bala.

Sinabi ni Bruno na nagsagawa pa ng karagdagang plain view inspection ang kanyang mga tauhan at natagpuan ang mga pinaghihinalaang pinagbabawal na droga, kabilang ang high-grade marijuana kush, mga dahon ng marijuana, iba’t ibang pakete ng sigarilyong marijuana, mga vape cartridge at iba pang derivatives na may kabuuang tinatayang halaga na P938,000.

Narekober din ang isang grinder at holster ng baril.

Lahat ng mga ebidensiya ay maayos na minarkahan, inimbentaryo at idinokumento sa presensya ng mga kinakailangang saksi, alinsunod sa itinakda ng batas, sinabi ng pulisya.

Ipinaalam din sa suspek ang kanyang mga karapatan bago dinala sa Muñoz City Police Station para sa kaukulang proseso.

Ang naarestong suspek na nasa kustodiya ng pulisya ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

“Hindi kami titigil sa paghabol sa mga indibidwal na sangkot sa mga kriminal na gawain, at nananatili kaming nakatuon sa pagtiyak ng kaligtasan at seguridad ng aming komunidad,” pahayag ni Bruno.

Ito’y alinsunod sa mga direktiba ng direktor ng Police Regional Office 3 na si Brigadier General Ponce Rogelio I. Peñones Jr. na paigtingin ang mga operasyon ng pulisya sa buong rehiyon, aniya.

Ayon kay Peñones, mahigpit ang direktiba laban sa anumang uri ng karahasan sa loob ng tahanan at sa ilegal na droga.

“Walang sinuman ang dapat matakot sa loob ng sarili nilang tahanan. Patuloy ang aming aksyon laban sa ilegal na droga at ilegal na armas upang mapanatili ang kaligtasan ng bawat pamilya,” pahayag ni Peñones. Ni STEVE A. GOSUICO & CHRISTIAN D. SUPNAD