Suansing1

Obligado na mga transparency portals sa 2026 badyet – Suansing

245 Views

SINABI ni House Committee on Appropriations chairperson na si Mika Suansing ng Nueva Ecija na ang P6.793-trilyong 2026 General Appropriations Bill (GAB) ay may espesyal na probisyon na nag-aatas sa mga ahensya ng gobyerno na magpanatili ng transparency portals.

Ayon kay Suansing, iniuutos ng espesyal na probisyon sa 2026 GAB na magpatakbo ang mga ahensya ng gobyerno ng mga transparency portal na maaaring ma-access ng publiko.

“Halos lahat po, kung hindi man lahat, ng mga infrastructure project ay mayroon na pong kanya-kanyang transparency portal. Inaatasan po natin ang lahat ng ahensya ng gobyerno na ilagay sa kani-kanilang mga website ang transparency portal,” ani Suansing matapos aprubahan ng bicameral conference committee ang 2026 pambansang badyet noong Linggo.

“Mayroon pong project monitoring, project status—makikita po roon kung na-bid na, magkano ang na-bid, sino ang contractor, at ano ang aktuwal na estado ng implementasyon ng proyekto. Iyan po talaga ang pangunahing safeguard natin para matiyak na lahat ng proyekto ay naipapatupad nang tama,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Suansing na ang 2026 GAB ay nagtatatag ng joint congressional oversight committee on public expenditures na magpupulong kada quarter upang mahigpit na bantayan ang pagpapatupad ng mga proyekto ng gobyerno.

Binigyang-diin ng mambabatas na walang pork barrel ang 2026 GAB.

“Minantini po namin ‘yan. Iyan po ang isa sa pinakauna kong sinabi—na wala pong pork barrel sa 2026 budget,” ani Suansing.

Tinawag niya itong isang “people-centered budget,” at sinabi niyang ang transparency at accountability ang nasa sentro ng panukalang gastusin.

“Ang gusto naming itawag sa badyet na ito ay people-centered budget. Sa proseso pa lang, siniguro naming ito ay transparent at may pananagutan sa sambayanang Pilipino, at sa nilalaman naman, nakatuon kami sa pagpapaunlad ng human capital,” ani Suansing.

“Pinagtrabahuhan po naming mabuti na talakayin ang lahat ng hindi napagkakasunduang probisyon, na walang iniiwang detalye. Nais din naming makita ng publiko kung paano eksaktong inilaan ang bawat pisong mula sa buwis ng mamamayan,” dagdag niya.