Momo

Rep. Momo suportado si Speaker Dy sa pagbabantay sa budget

Mar Rodriguez Jan 6, 2026
266 Views

𝗦𝗨𝗣𝗒π—₯𝗧𝗔𝗗𝗒 ni Surigao del Sur Rep. Romeo Momo Sr. ang pahayag ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na gagamitin ng Kamara de Representantes ang oversight power nito para mabantayang mabuti ang tamang paggastos sa pondo ng bayan.

Sinabi ni Momo na tama lamang na mismong ang Kongreso ang magkaroon ng inisyatiba para tiyakin na magagastos ng tama ang P6.793 trilyong national budget na nilagdaan ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

Ipinaliwanag ni Momo na ang trabaho nilang mga kongresista ay hindi lamang nagtatapos sa pagsusuri nila sa proposed national budget at ang paglagda ni Pangulong Marcos Jr. kundi ang pagtitiyak na ito ay magagastos ng tama at maayos.

Pagbibigay diin ng kongresista na kaya nagkakaroon ng “hokus-pokus” sa paggastos ng pambansang pondo ay dahil sa kawalan ng sapat na monitoring o pagbabantay.

Sinabi pa ni Momo na ang pagbabantay ng Kamara sa pambansang pondo ay magpapakita rin na sinisikap ng mga kongresista na baguhin at maituwid ang maling sistema ng walang habas na paggastos sa national budget.

“Sang-ayon ako sa sinabi ni Speaker Bojie Dy dahil hindi lang namin trabaho ang mabusisi at magpasa sa national budget.

Trabaho din namin mga kongresista na tiyakin na ang pambansang pondo ay ginagastos ng tama,” wika ni Momo.