EDSA Busway passengers dagsa noong ’25

Jun I Legaspi Jan 12, 2026
260 Views

DUMAMI ang mga pasahero sa EDSA Busway noong 2025 dahil naging mas maayos, ligtas at maaasahan ang biyahe sa lugar, ayon sa Department of Transportation (DOTr).

Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang DOTr na ipagpatuloy ang pagpapabuti sa EDSA Busway corridor upang matiyak ang mas ligtas, mas madaling ma-access at mas maginhawang paglalakbay ng mga mananakay.

Nakapagsilbi ang EDSA Busway ng 66,669,287 na pasahero noong 2025, mas mataas kumpara sa 63,022,953 noong 2024.

Nakapagtala ang busway ng 6,530,415 pasahero noong Disyembre 2025, at pinakamataas na 321,186 pasahero sa isang araw noong Abril 2025.

Ayon kay DOTr Giovanni Lopez, ipagpapatuloy ng DOTr ang mga hakbang para sa modernisasyon ng EDSA Busway para sa kapakinabangan ng publiko.

“Marami pa tayong gagawing improvements—kabilang ang mas modernong Kamuning Busway Station at tatlo pang bagong istasyon ngayong 2026—upang masigurong mas maginhawa at mas mabilis ang biyahe ng mga pasahero,” sabi ng kalihim.

Mula nang ilunsad noong Hunyo 2020, nakapagsilbi na ang EDSA Busway ng 341,307,843 pasahero.