Calendar
Mambabatas gusto paigtingin kampanya vs pasaway na drivers
IMINUMUNGKAHI ni Caloocan City Rep. Dean Asistio sa Land Transportation Office (LTO) na paigtingin pa ang kampanya laban sa mga pasaway na motorista lalo na ang mga nasasangkot sa road rage kasunod ng ipinataw na
suspensiyon ng LTO laban sa driver ng Toyota Camry na tumakas nang makasagi ng motorsiklo.
Nawalan ng kontrol ang motorsiklo at nahulog sa kalsada ang driver at pasahero.
Sinabi ng kongresista na sunud-sunod na nag-viral sa social media ang mga aksidente na kinasasangkutan ng mga pasaway na drayber bunsod ng kanilang walang ingat na pagmamaneho.
Ikinadismaya ni Asistio na hindi lamang isang ordinaryong aksidente ang mga nangyayari sa lansangan kundi kasuklam-suklam na aksidente sapagkat nauuwi umano sa road rage ang simpleng hindi pagkakaunawaan.
Kaya para kay Asistio, upang tuluyan ng masolusyunan ang problema tungkol sa mga pasaway na motorista kinakailangan na mas paigtingin at ng LTO ang pagdisiplina sa mga draybers.
Binigyang diin pa ng mambabatas na marahil ay kailangan ipakita ng LTO ang isang “no mercy policy” laban sa mga pasaway na motorista dahil sa kabila ng mahigpit na babala na kakanselahin nila ang lisensiya ng mga pasaway na draybers ay nagpapatuloy pa rin ang kahalintulad na aksidente.

