Calendar
PAGASA: LPA nasa PAR na, Tropical Depression may medium tsansa
INIULAT ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) nitong Martes ng hapon na ang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ay may medium na tsansa na maging tropical depression sa loob ng susunod na 24 na oras.
Ayon sa Pagasa bandang alas-4 ng hapon, ang trough o labangan ng LPA ang nagdudulot ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Davao Region, Caraga, Northern Mindanao, Sarangani, Eastern Samar, Leyte, at Southern Leyte.
Samantala, ang Northeast Monsoon o Amihan ay magdadala ng maulap na papawirin at mga pag-ulan sa Cagayan, Isabela, at Aurora.
Bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulu-pulong pag-ulan o pagkidlat-pagkulog ang inaasahan sa Metro Manila at sa natitirang bahagi ng Luzon dahil sa easterlies.
Ang kaparehong lagay ng panahon ay mararanasan din sa iba pang bahagi ng bansa bunsod ng localized thunderstorms. Maaapektuhan din ng Amihan ang Cordillera Administrative Region, ang natitirang bahagi ng Cagayan Valley, Ilocos Region, at Central Luzon, subalit wala umanong inaasahang malaking epekto.
Nagpaalala ang Pagasa na ang mga kondisyong ito ng panahon ay maaaring magdulot ng flash flood at landslide, lalo na sa mga lugar na madalas bahain at bulubundukin.

