Calendar
LTO: Valid ang e-driver’s license mula sa LTMS sa traffic Inspection, paglabag
INANUNSYO ng Land Transportation Office (LTO) na ang e-driver’s license o digital na lisensya ng mga motorista na nakukuha sa pamamagitan ng Land Transportation Management System (LTMS) ay ganap na kinikilala at maaaring ipakita sa mga traffic enforcer at deputized agent tuwing may traffic violation o nakatakdang inspeksyon.
Ayon sa LTO, kinikilala ang e-driver’s license bilang wastong patunay ng karapatang magmaneho alinsunod sa Department of Transportation Department Order No. 2023-015 na inilabas noong 2023. Sa ilalim ng patakaran, maaari itong magsilbing pamalit sa pisikal na driver’s license card kapag pinahinto ng mga awtoridad ang isang motorista.
Binigyang-diin ni LTO Assistant Secretary at Chief Markus V. Lacanilao na obligadong tanggapin ng mga law enforcer ng LTO at ng kanilang mga deputized agent ang e-driver’s license sa ganitong mga sitwasyon.
“Kung ikaw ay hihinto dahil sa paglabag sa batas trapiko o sasailalim sa nakatakdang inspeksyon at wala kang dalang pisikal na lisensya, maaari mong ipakita ang iyong e-driver’s license sa pamamagitan ng LTMS portal,” ani Lacanilao.
Nilinaw ng LTO na ang tanging opisyal at kinikilalang digital na bersyon ng driver’s license ay yaong direktang ina-access mula sa sariling LTMS account ng motorista. Hindi umano ituturing na balido ang mga screenshot, photocopy, o iba pang anyo ng digital ID na hindi nagmumula sa LTMS platform.
Awtomatikong nalilikha ang e-driver’s license kapag ang isang motorista ay nag-aaplay para sa bagong lisensya o nagre-renew ng kasalukuyang lisensya sa pamamagitan ng LTMS. Maaari itong ma-access sa LTMS platform o sa eGovPH digital services portal.
Ayon sa LTO, bahagi ito ng mas malawak na hakbang ng pamahalaan na palawakin ang paggamit ng digital services at gawing mas madali ang pag-access ng publiko sa mga opisyal na dokumento ng gobyerno.

