Welder

Welder na-miss ang pamilya, nagtangkang magpakamatay

Edd Reyes Jan 14, 2026
249 Views

MATAGUMPAY na nakumbinsi ng pulisya ang 48-anyos na welder na huwag ituloy ang planong pagpapakamatay Martes ng gabi sa Valenzuela City.

Hindi naubusan ng magagandang pananalita si Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento para lamang himukin si alyas “Jem” na huwag ituloy ang balak na itarak sa dibdib ang hawak na patalim, habang nasa loob ng kanilang barracks sa ginagawang gusali ng Parada Elementary School sa Barangay Parada.

Batay sa ulat, humingi ng tulong sa pulisya ang engineer na nangangasiwa sa konstruksiyon matapos malamang nagkulong sa barracks ang welder na posibleng dumaranas ng pangungulila sa pamilya sa Ozamis Occidental, habang hawak ang isang patalim.

Nagbanta umano ang lalaki na huwag siyang pigilan sa planong pagpapakamatay kaya nagresponde na sa lugar ang mga tauhan ng Police Sub-Station 1 at Special Reaction Unit (SRU) ng Valenzuela police, kasama si Talento na nagsilbing negosyador.

Noong una ay nagmatigas pa si Jem at sinabing wala nang makapipigil sa kanyang plano subalit sa patuloy na paghimok ng opisyal at sa pangakong handa silang tulungang malagpasan ng lalaki ang dinaranas na depresyon, nabuksan ang isip ng welder hanggang isuko sa pulisya ang hawak na patalim.