Calendar
Ama pinaniniwalaang nagbaril sa sarili dahil sa depresyon
PINANINIWALAANG nagbaril sa sarili ang 47-anyos na tatay na umano’y nakakaramdam ng depresyon dahil sa ipinataw na suspensiyon sa kanyang trabaho.
Ang nasabing ama ay natagpuan ng anak nitong lalaki sa loob ng kanilang bahay sa Bay, Laguna, noong Biyernes.
May baril na nakita sa tabi ng biktima na kinilalang si alyas “Romulo.”
Naganap dakong ala-1 ng hapon ang insidente na natanggap ng Tactical Operation Center ng Bay Police Station.
Ayon sa inisyal na ulat, dumating ang anak na lalaki ng biktima sa kanilang bahay at narinig nitong patuloy ang pagtunog ng cellphone ng ama.
Pagpasok sa kuwarto ay nakita ng anak ang wala nang buhay na kanyang ama.
Humiling naman ang Bay police ng tulong sa Regional Forensic Unit-4A para sa Scene of the Crime Operation para sa teknikal na aspeto ng imbestigasyon.

