Magsasaka

Pangilinan tiniyak na tama gamit sa infra pondo para sa mga magsasaka, mangingisda

171 Views

NAGBABALA si Senador Francis “Kiko” Pangilinan laban sa anumang tangkang maling paggamit ng P33-bilyong pondo para sa farm-to-market roads program ng gobyerno, at sinabing papanagutin ang sinumang mapapatunayang sangkot sa katiwalian.

Ibinigay ni Pangilinan, chair ng Senate Committee on Agriculture, ang pahayag kasabay ng pag-apruba ng 2026 budget ng Department of Agriculture at mga attached agency nito, na kinabibilangan ng pondo para sa mga farm-to-market road projects na layong suportahan ang mga magsasaka at mangingisda.

“We have put in place several safeguards para talagang matiyak (na walang magiging korapsyon),” ani Pangilinan sa isang panayam sa radyo. “At sana, palagay ko naman itong pakiusap rin natin at siguro warning na rin na tayo mismo bilang chairman of the Committee on Agriculture, hindi tayo papayag sa kalokohan.”

“Babantayan natin yan. Kaya sabi nga, wag na nila subukan dahil makakatikim sila. Papatawag natin sila sa Senado. Pagpapaliwanagin natin sila. Isu-subpoena natin sila kung kinakailangan kapag nakita natin na may mga kalokohan,” dagdag niya.

Ayon sa senador, may mga espesyal na probisyon na inilagay upang maprotektahan ang P33-bilyong pondo laban sa katiwalian, kabilang ang online dashboard, geotagging ng mga proyekto, at citizens’ participatory audit.

Sa kasalukuyang ayos, ang mga farm-to-market road project ay ipatutupad na ng Department of Agriculture matapos ilipat mula sa Department of Public Works and Highways. Layunin ng programa na tugunan ang tinatayang 60,000 kilometrong backlog ng farm-to-market roads sa buong bansa, na itinuturing ng pamahalaan na mahalaga sa kaunlaran ng kanayunan, seguridad sa pagkain, at pagtaas ng kita ng mga magsasaka.

Sinabi ni Pangilinan na oobligahin ang Department of Agriculture na beripikahin ang aktuwal na gastos ng proyekto, detailed engineering design, program of works, approved budget for contract, umiiral na presyo sa merkado, standard unit cost, at mga kondisyon ng proyekto sa mismong lugar.

Binanggit din niya ang papel ng pribadong sektor at ng mga lokal na pamahalaan sa competitive bidding, na aniya’y hango sa programang ipinatupad noong administrasyong Aquino sa pamumuno ng dating kalihim ng edukasyon na si Armin Luistro.

Nanawagan din ang senador sa publiko na maging mapagmatyag sa mga proyektong imprastruktura sa kanilang mga lugar. “Kaya panawagan din sa ating mga nasa LGU, sa private sector, ang ating mga citizens groups: ang ating tanggapan ay tanggapan ninyo sa pagbabantay. Let us know kung may mga hindi impormasyong hindi tama ang pag-implimenta,” aniya.

“Babantayan natin yan. Kaya ang panawagan natin sa mga magiimplimenta nito ay wag niyo nang itangkang gamitin itong mga pondong ito para sa kurakot dahil hahabulin namin kayo,” dagdag pa ni Pangilinan.

Sinabi rin niya na susubaybayan niya ang pangako ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na tapusin sa unang quarter ng 2026 ang pagsusuri sa mga farm-to-market road project na posibleng overpriced.

Ayon kay Pangilinan, may ilang proyekto na ang natukoy na posibleng may katiwalian at inihahanda na ang ebidensya para sa pagsasampa ng mga kaso. Nauna nang sinabi ni Laurel na may mga farm-to-market road project noong nakaraang taon na umano’y overpriced ng hindi bababa sa 20 porsiyento kada kilometro.