Bulacan, Tarlac cops sinakote 14 dahil sa sugal

Bernard Galang Jan 17, 2026
232 Views

INARESTO ng mga miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang 14 katao dahil sa pagsusugal sa Tarlac at Bulacan noong Enero 16.

Nasakote ang mga suspek sa Oplan Roulette na pinamunuan ni P/Col. Grant Gollod kasama ang mga pulis ng Gerona, Tarlac sa Brgy. Villa Paz, Gerona, Tarlac.

Kasama sa inaresto ang umano’y financier na si alyas Anan, 38, at mga operator na sina Rigor, 35; at Ian, 29, ayon sa report.

Naaresto rin sina alyas Obil, 44; Awin, 41; Zano, 49; at Icil, 48.

Nahuli ang mga suspek sa aktong tumataya sa sugal na “Drop Ball,” na paglabag sa Presidential Decree 1602.

Nasamsam sa operasyon ang apat na betting board (tapete), isang embudo, isang rubber ball, isang drop card, dalawang betting guide at P7,965 na bet money.

Sa Bulacan, nagsagawa rin ng Oplan Roulette ang CIDG Bulacan Provincial Field Unit sa Evergreen Subdivision, Brgy. Gaya-gaya, San Jose del Monte, Bulacan.

Inaresto ang umano’y operator na si alyas Ditas, 38, at anim na tumataya, kabilang ang isang barangay tanod.

Nasamsam sa operasyon ang isang color board, anim na color dice, isang labangan, basket na ginagamit bilang lalagyan ng pera at bet money na P5,611.