LTO

LTO pinaigting ang aksyon laban sa pasaway na driver

199 Views

UPANG ipakita ang seryosong paghabol sa mga patuloy na lumalabag sa batas trapiko, pinaigting ng Land Transportation Office (LTO) ang pagpapatupad ng batas trapiko matapos maglabas ng sunod-sunod na show cause order laban sa mga driver na sangkot sa mga insidenteng may kinalaman sa walang ingat at mapanganib na pagmamaneho na kumalat sa social media.

Sa Isabela, naglabas ang LTO Region 2 ng show cause order laban sa driver ng dump truck na bumangga sa isang jeep sa highway ng Luna, na ikinamatay at ikinasugat ng ilang pasahero. Makikita sa viral video na nawalan ng kontrol ang dump truck at nasakop ang kabilang linya bago bumangga sa paparating na jeep. Inakusahan ang driver ng reckless driving at pagiging improper person to operate a motor vehicle at binigyan ng tatlong araw upang magsumite ng paliwanag.

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, pananagutin ang driver kapag napatunayang may paglabag. “Ang kaligtasan sa kalsada ay isang responsibilidad ng lahat ng gumagamit ng daanan. Hindi tayo magpapahintulot na ang mga paglabag sa batas trapiko na nagdudulot ng malubhang pinsala at pagkawala ng buhay ay mababalewala,” aniya.

Nag-isyu rin ang LTO ng show cause order laban sa may-ari at driver ng isang barangay service pickup na viral matapos makitang may sakay na anim na pasahero sa likod na bahagi ng sasakyan.

Ang lisensya ng driver ay sinuspinde ng 90 araw habang iniimbestigahan ang kaso, at inilagay sa alarm status ang sasakyan.

“Ang pagpapasakay ng labis na bilang ng pasahero sa mga sasakyang hindi idinisenyo para rito ay isang seryosong paglabag,” sabi ni Lacanilao. “Paulit-ulit naming pinaaalalahanan ang lahat ng driver na sumunod sa batas trapiko.”

Sa EDSA naman, personal na na-flag down ni Lacanilao ang isang motorsiklo na pumasok sa exclusive bus lane at walang plaka. Tumakas pa ang rider bago nahabol at napahinto. Sa inspeksyon, nadiskubreng sira ang panel gauge at plate light kaya inimpound ang motorsiklo.

Inatasan din ng LTO Chief na isyuhan ng show cause order ang driver at may-ari ng isang Ford Everest na muntik nang makabangga ng ibang sasakyan sa NAIA Expressway matapos biglang lumipat ng lane mula sa toll gate. Sinuspinde ang lisensya ng driver ng 90 araw at inilagay sa alarm status ang sasakyan.

Sa Pasay City, isang SUV na may unauthorized blinkers na namataang palabas ng isang club ang inisyuhan din ng show cause order. Sinuspinde ang lisensya ng driver ng 90 araw habang iniimbestigahan ang kaso.

“Ang mga hindi awtorisadong kagamitan sa mga sasakyan ay hindi lamang labag sa batas kundi maaari ring magdulot ng panganib sa kaligtasan ng lahat,” ani Lacanilao.

Naglabas din ang LTO ng show cause order laban sa isang government employee na viral matapos saktan ang kapwa motorista sa gitna ng alitan sa kalsada. Sinuspinde ang lisensya ng nasabing empleyado ng 90 araw at ipinatawag siya kasama ang kinatawang ahensya ng gobyerno na may rehistrong sasakyan.

“Ang mga empleyado ng gobyerno ay inaasahang magiging huwaran ng mabuting pag-uugali at paggalang sa batas,” ayon kay Lacanilao.

Kabilang din sa mga inisyuhan ng show cause order ang may-ari at driver ng isang Subaru Forester Wagon na pilit na dumaan sa bike lane at may hindi awtorisadong blinker lights. Sinuspinde ang lisensya ng driver ng 90 araw at inilagay sa alarm status ang sasakyan.

Sa Ilocos Sur, sinuspinde rin ng LTO ng 90 araw ang lisensya ng driver ng isang Toyota Hi-Lux na sangkot sa insidenteng ikinasawi ng isang batang pedestrian habang patuloy ang imbestigasyon.

Binigyang-diin ng LTO na ang hindi pagdalo sa mga itinakdang pagdinig ay ituturing na pagbabalewala sa karapatang marinig ang panig at pagpapasiyahan ang mga kaso batay sa ebidensyang hawak ng ahensya.