COE

COEs sa 2K na residente sa Palawan ibinigay ng DHSUD

Jun I Legaspi Jan 23, 2026
176 Views

NAMAHAGI ng Certificates of Entitlement (COEs) sa halos 2,000 na benepisyaryo ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program sa Palawan kamakailan ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).

Ito’y alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos Jr. at pinangunahan ni Kalihim Jose Ramon Aliling ang pamamahagi ng COEs sa unang batch ng mga benepisyaryo mula sa Narra, Palawan.

“Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos Jr. para sa mas may dignidad na pamumuhay, hatid namin ang kapanatagan at seguridad sa inyong tinitirhang lupain matapos ang mahigit dalawang dekada.

Umpisa pa lamang po ito, marami pang pamilyang Palaweno ang makikinabang sa patuloy na pagsusulong natin ng Expanded 4PH,” dagdag ng kalihim.

Mula nang manungkulan noong Mayo 2025, muling inayos ni Aliling ang 4PH at pinalawak ito upang isama ang pamamahagi ng mga lote sa ilalim ng mga dekada ng Presidential Proclamations na nagtatakda ng mga lupang angkop para sa pabahay sa buong bansa.

Tiniyak ng DHSUD na ipagpapatuloy ang positibong momentum ng nationwide rollout ng Expanded 4PH upang higit pang makinabang ang mas maraming pamilyang Pilipino sa iba’t ibang housing modalities na saklaw ng flagship program.

Nauna nang namahagi ng COEs sa mga benepisyaryo sa Los Baños, Laguna.