Suspek

Parak-NE kumana; 103 kriminal kinalawit

Steve A. Gosuico Jan 26, 2026
184 Views

CABANATUAN CITY–Aabot sa 103 suspek sa iba’t-ibang krimen ang naaresto ng Nueva Ecija police samantalang mahigit P2 milyong halaga ng ilegal na droga ang nasamsam sa mga operasyon sa lalawigan hanggang Enero 24, ayon kay Nueva Ecija cop chief Col. Heryl Bruno.

May 35 operasyon ang inilunsad kontra ilegal na droga at humantong sa pagkadakip sa 48 na hinihinalang tulak at pagkakumpiska ng 311.56 gramo ng shabu at 720 gramo ng marijuana na may katumbas na halagang P2,206,436.

Sa laban kontra loose firearms, 17 katao ang naaresto samantalang 18 baril ang nasamsam at walo ang isinuko sa pulis dahil sa Balik-Baril program.

Nasa 33 naman na wanted persons at limang nasa most wanted list ang nadakip, ayon sa report.

Nangako ang Nueva Ecija police sa mga Novo Ecijano ng mahusay na paglilingkod.

“Ang mga pangakong ito ang gabay namin upang makaasa ang bawat mamamayan ng mas dedikado, mas proaktibo at palagiang nakatuon sa serbisyo publiko,” dagdag ng opisyal.