NAPOLCOM naglunsad ng Saludo Hotline Pulis

Gil Aman Jan 29, 2026
161 Views

INILUNSAD ng National Police Commission (NAPOLCOM)-Region 4A ang Saludo Hotline Pulis sa Laguna noong Enero 28 upang kilalanin, itala at bigyang-parangal ang pagtupad sa tungkulin ng mga pulis.

Hinihikayat ang mamamayan na magbahagi ng mga karanasan at mabubuting gawa ng mga pulis sa 0992-099-0933 o napolcom4a.saludohotline@gmail.com.

Isinagawa ang aktibidad sa tulong ng Laguna sa pamumuno ni Gob. Sol Aragones.

Binigyang diin ni Dir. Julieta Rañeses ang layunin ng SALUDO Hotline bilang isang platapormang nagbibigay-pugay sa mga pulis.

“Napakaganda po ng kanyang suporta sa ating mga kapulisan. Ibinibigay niya ang mga kagamitang tunay na nakatutulong upang magampanan nila nang maayos ang kanilang tungkulin,” sabi ni Raneses.

Ayon kay Atty. Joicel Sopeña, Provincial Officer ng NAPOLCOM-Region 4A, ang programa ay isang makabagong hakbang at pagbibigay-parangal sa mabubuting gawa at tapat na pagtupad sa tungkulin.

Samantala, pinaalalahanan ng People’s Law Enforcement Board (PLEB) ang publiko sa kahalagahan ng pagkilala sa mabuting gawain ng kapulisan.

Ayon sa isang kinatawan, “Marami pa rin ang hindi pamilyar sa papel ng PLEB. Sa pamamagitan ng NAPOLCOM SALUDO Hotline, mas mapapalakas ang pagkilala sa mabubuting gawain ng ating mga kapulisan.”

Ginawaran naman ng Certificates of Commendation sina PMSg Lyndon Bañez ng Calauan police, Pat Jay-V Suarez, PMSg Astrid Aniwasal ng Women and Children Protection Desk Investigator, PSSg Loren Gaspar, Pat Errol Bilo, PSSg Dibsan Leo, Pat Rodrigo Crisostomo III, PSS Jan Louie Kalugdan, P/Lt. Col. Allan Reginald Basiya.