CPs, pera nakawat sa motorcycle dealer

Bernard Galang Jan 29, 2026
144 Views

BULACAN–Apat na hindi pa nakikilalang armadong lalaki ang nangholdap noong Miyerkules sa Honda 3S Motorcycle dealership sa Raang Bato, Brgy. Bagumbayan, Bulakan, Bulacan at tinangay ang P20,000, mga cellphones at ilang plaka ng motorsiklo.

Batay sa imbestigasyon, dalawa sa mga suspek na armado ng baril ang nagpanggap na mga customer at lumapit sa mga biktima sa loob ng dealership.

Matapos ang maikling pag-uusap, biglang nagdeklara ng holdap ang mga suspek sabay tutok ng baril.

Sapilitang dinala ang mga biktimang sina Mary Gelyn Lubay, 31; Mary Ortega, 25; at Jose Mari Francisco, 29, sa loob ng isang storage room kung saan tinali ang kanilang mga kamay at paa gamit ang itim na plastic cable ties.

Ayon sa pulisya, tinangay ng mga suspek ang hindi pa matukoy na bilang ng mga plaka ng motorsiklo, dalawang cellphone at cash na tinatayang aabot sa P20,000 bago tumakas patungo sa Bulakan.