Trike

Trike driver grinipuhan sa dibdib dahil sa agawan sa pasahero

Jon-jon Reyes Jan 30, 2026
120 Views

INOOBSERBAHAN sa ospital ang 62-anyos na tricycle driver matapos saksakin ng pedicab driver sa Barangay 746, Malate, Manila, noong Huwebes.

Ayon sa report, nakapila ang tricycle at sidecar ng dalawa sa terminal sa Espiritu Street sa Malate nang biglang may dumating na pasahero para sumakay.

Sumakay ang pasahero sa tricycle ng biktima kaya nagalit ang suspek dahil siya raw ang nasa unahan ng pila.

Doon na sinaksak ng suspek ang biktima sa dibdib.

Sa kuha ng CCTV, makikita ang 63-anyos na suspek na naglalakad sa Espiritu Street pauwi umano sa kanilang bahay. Makalipas ang ilang minuto muling nahagip ng CCTV ang suspek na may dala ng kutsilyo.

Sa isa pang CCTV, nakita pang duguan na ang biktima habang naglalakad palayo sa pilahan para humingi ng tulong.

Ayon sa saksi, nagalit ang suspek sa “pang-aagaw” ng biktima dahil hindi kumita ang una ng P50.

“Ang isa kasi, pedicab; ’yung isa, tricycle. Parang nagmamadali ata ’yong pasahero (kaya) doon sumakay sa tricycle… Sumama ’yung loob ng pedicab (driver). Sabi nga roon, sa halagang P50 nagsaksakan kayo,” kuwento nito.

Nagpapagaling ang biktimang tricyle driver sa pananaksak ng pedicab driver dahil sa agawan sa pasahero.