Calendar
Barbero ‘nagupit’ ang kalayaan sa rape, sex assault
NASAKOTE ng mga pulis ang 31-anyos na barbero na wanted sa kasong rape noong Huwebes sa Las Piñas City, ayon sa ulat kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Randy Arceo.
Pinasok ang bahay ng suspek na si alyas Kishi alas-4:06 ng hapon sa Brgy. Almanza Dos matapos matanggap ang impormasyon na nagbalik sa lugar ang akusado.
Hindi na nakapalag si alyas Kishi nang isilbi sa kanya ang dalawang warrant of arrest para sa kasong rape with sexual assault na naganap sa magkaibang panahon sa Las Piñas City.
Ayon kay Las Pinas police chief Col. Wilson Delos Santos, galing ang mga arrest warrants ng suspek kina Las Piñas Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Phoeve Meer ng Branch 275 para sa kasong rape, habang ang ikalawa galing kay Las Piñas RTC Presiding Judge Victor Ramirez Aguba ng Branch 255 para sa kasong rape with sexual assault.
Pinayagan naman ng magkahiwalay na hukuman ang akusado na makalaya pansamantala kung kapalit ng tig-P120,000 na piyansa.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility ng Las Piñas City police.

