Pagpapalakas ng seguridad sa mga airports pinag-usapan ng OTS, CAAP, PNP

Jun I Legaspi Feb 3, 2026
185 Views

NAGPULONG sa Iloilo International Airport ang Office for Transportation Security (OTS), Philippine National Police Aviation Security Group (PNP AVSEGROUP), at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) upang pag-usapan kung paano palakasin ang koordinasyon, pabilisin ang pagtugon at patatatagin ang seguridad matapos magdulot ng abala ang isang pasahero noong Enero 28.

Sa pagpupulong, tinalakay ang pagsusuri sa kasalukuyang mga sistema, polisiya at operational procedures.

Binigyang-diin ni OTS Administrator Undersecretary Gilberto Cruz ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na pagpapabuti upang matiyak ang kaligtasan, seguridad at kaginhawaan ng mga pasahero.

Ipinunto ng mga opisyal ng paliparan na may mga umiiral nang sistema, mahuhusay na tauhan at matatag na polisiya ang Iloilo Airport.

Gayunpaman, nakatuon ang diskusyon sa pagpapalakas ng kasalukuyang sistema, partikular sa maagang pagtukoy ng disruptive behavior, mas maayos na koordinasyon sa oras ng insidente at pagpapanatili ng mataas na antas ng alerto sa lahat ng pagkakataon.

Ilang OTS personnel ang kinilala sa mahalagang papel na ginampanan laban sa pagpasok ng mga ipinagbabawal na gamit na maaaring banta sa seguridad.

Nagwakas ang pulong sa pangako ng lahat ng ahensya na gawing aral ang nagdaang insidente at magsagawa ng konkretong hakbang upang maiwasan ang kahalintulad na sitwasyon sa hinaharap.