Yosi

Pekeng yosi nasamsam sa Bulacan

Bernard Galang Feb 7, 2026
227 Views

MARILAO, Bulacan–Inaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang dalawang Chinese national at nasamsam ang tinatayang P80 milyong halaga ng mga ilegal na produktong tabako sa Marilao, Bulacan noong Huwebes.

Isinagawa ang operasyon sa isang bodega sa loob ng J1 Industrial Compound sa Benedicto Street, Barangay Prenza 1 at inaresto sina alyas Qia, 34; at Lin, 38.

Sinabi ng mga awtoridad na inaresto ang mga suspek dahil sa paglabag sa RA 7394 o Consumer Act of the Philippines, RA 10643 o Graphic Health Warnings Law, at RA 12022 o Anti-Agricultural Sabotage Act.

Sa gitna ng operasyon, natuklasan ng mga alagad ng batas ang ilang sasakyan na kargado ng mga master case ng undocumented na sigarilyo.

Kabilang sa mga nakumpiska ang tatlong master case ng Nise cigarettes; 122 master case ng Modern cigarettes na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P7.62 milyon; 58 master case ng RGD cigarettes na tinatayang P3.62 milyon; 20 master case ng Two Moon cigarettes na aabot sa P1.25 milyon; 15 master case ng GTM cigarettes na nagkakahalaga ng P937,500; 10 master case ng Concord cigarettes na tinatayang P625,000; walong master case ng HP cigarettes na nagkakahalaga ng P500,000; at 1,050 master case ng HP Red cigarettes na tinatayang P65.62 milyon.

Tinatayang umabot sa P80 milyon ang kabuuang halaga ng mga nasamsam na sigarilyo batay sa daily price index na P125 kada pakete.