OFW

299 Pilipino ligtas na nakabalik ng PH mula ME

Jun I Legaspi Mar 5, 2026
160 Views

OFW2OFW3OFW4OFW5OFW6OFW7LIGTAS na nakabalik sa Pilipinas Huwebes, Marso 5, 2026, ang kabuuang 299 na Pilipino na naapektuhan ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan.

Agad silang tinutulungan ng pamahalaan alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Dumating ang grupo sa NAIA Terminal 3, Pasay City mula Dubai sakay ng Emirates Airlines Flight 336.

Kabilang sa mga umuwi ang mga OFW na pinayuhan ng kanilang mga employer para sa kanilang kaligtasan, mga natapos na ang kontrata, at mga nagpasya nang umuwi para sa pansariling dahilan.

Personal na sinalubong ni Migrant Workers Secretary Hans Leo J. Cacdac ang mga kababayan, na tiniyak na makatatanggap sila ng lahat ng kinakailangang tulong mula sa pamahalaan.

“Sa ngalan ng ating Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr, welcome home po. Nagpapasalamat kami na kayo ay ligtas. Lubos din ang pasasalamat natin sa Emirates at sa pamahalaan ng UAE sa kanilang pag-aalaga at sa paghahanda ng flight patungong Maynila,” ani Secretary Cacdac.

Ang mga balikbayan ay agad na nabigyan ng pinansyal na tulong mula sa DMW AKSYON Fund, accommodation at transport services mula sa OWWA, medikal na tulong mula sa DOH, at psychosocial support mula sa DSWD.