Calendar
DOJ hiniling aksyunan 9-taong insidente ng ambush sa Samar
NANANAWAGAN ang pamilya ni Alfredo Manas kay Acting Justice Secretary Fredderick Vida na aksyunan ang halos siyam na taong nakabinbing kaso ng pagpatay sa kanilang ama na hindi pa umuusad sa korte hanggang ngayon.
Napatay si Enrique Manas Sr. noong Hulyo 23, 2017, sa isang ambush habang siya at ilang kasamahan ay nagtatabas ng damo sa daan sa Barangay Bahay, Sta. Margarita, Samar.
Nakaligtas sa nasabing ambush si Alfredo at ibang kasamahan.
Lumabas sa imbestigasyon na ilang indibidwal ang diumanoy sangkot sa pag-atake, na kung saan may kaso ng naihain.
Isinampa ang reklamo sa mga nasabing indibidwal noong 2017, ngunit sa kabila ng halos siyam na taon na lumipas, hindi pa rin umuusad ang kaso sa korte.
Matatandaang noong Enero 16, 2025, inatasan ni dating Justice Secretary at ngayon ay Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang DOJ- Office of the Prosecutor General na isumite ang kinakailangang Information sa korte sa loob ng sampung araw.
Ngayon, Mahigit 411 araw na ang lumipas, hindi pa rin naipapatupad ang utos ni Remulla, ayon sa pamilya.
Sa isang liham kay Vida na may petsang Marso 3, 2026, nanawagan ang pamilya Manas, sa pamamagitan ng kanilang abogado na si Atty. Kristjan Gargantiel, kay Vida, na noong panahong iyon ay undersecretary ng DOJ—na tiyaking uusad na ang kaso.
“Patuloy ang paghihintay ng pamilya para sa katarungan. Hindi ito tungkol sa paghihiganti, kundi upang masiguro na maisasakatuparan ang tamang proseso ng hustisya para sa biktima at sa integridad ng sistema,” ani Gargantiel.
Umaasa ang pamilyang Manas na sa pamumuno ni Vida, maisasakatuparan na ng DOJ ang direktiba ni Remulla at uusad na ang kaso laban sa mga akusado pagkatapos ng halos isang dekadang pagkaantala.

