Calendar
Binata binaril sa birthday party, patay
PATAY kaagad nitong Miyerkules ang isang lalaki at sugatan ang kasama nito nang pagbabarilin ng mga kainuman sa isang birthday party sa Barangay Pulangbato, San Juan, Batangas.
Ang mga biktima ay kinilala ng mga pulis-San Juan na sina alyas Mark, 23, binata, at sugatan naman si alyas Jomare, 21, kapwa residente ng Brgy. Pulangbato.
Ang mga naiturong suspek ay sina alyas Jun-jun at alyas Jr., parehong residente ng Brgy. Sampiro, ng bayan ng San Juan.
Isang tawag sa telepono ang natanggap ng mga kapulisan mula sa mga tauhan ng San Juan District Hospital na sinabing may mga duguang biktima ng pamamaril na naisugod doon.
Sa imbestigasyon, napag-alamang nag-iinuman ang mga biktima at ang mga suspek sa isang birthday party sa nasabing barangay dakong 11:50 ng gabi.
Ayon sa report, kinalaunan, nagkaroon ng alitan sa pagitan ng grupo.
Isa sa mga suspek ang bumunot umano ng hindi pa matukoy na uri ng baril at pinagbabaril ang mga biktima.
Napuruhan kaagad si alyas Mark, na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.
Nagtamo rin ng mga pinsala sa kaliwang binti si alyas Jomare.
Mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng kanilang motorsiklo patungo sa Brgy. Sampiro.
Patuloy ang imbestigasyon at pagtugis ng mga kapulisan sa mga tumakas na suspek.

