Ridon Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon

Reklamong impeachment vs VP Sara nakabase sa ebidensiya — Ridon

100 Views

MAHIGPIT na sumusunod ang House committee on justice sa isang prosesong nakabatay sa malinaw na tuntunin at ebidensiya sa pagtalakay sa impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte, at handa rin ang komite sakaling dalhin ng kampo ng Bise Presidente ang usapin sa Korte Suprema, sinabi ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon nitong Linggo.

Bilang chair ng House committee on public accounts at miyembro ng justice panel, iginiit ni Ridon na bawat hakbang ng komite ay naaayon sa batas at suportado ng ebidensiya.

“Rules-based, evidence-based ang bawat hakbang ng komite. Lahat ng ruling ay nakaangkla sa ebidensiya at sa umiiral na batas,” pahayag ni Ridon.

“And if the matter is brought before the Supreme Court, handa po ang komite na ipagtanggol ang proseso nang maayos, patas at naaayon sa Konstitusyon,” dagdag niya.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang mga pagdinig sa dalawang natitirang impeachment complaints laban kay Duterte na idineklarang sapat sa porma, nilalaman at mga batayan.

Pinabulaanan ni Ridon ang pahayag ng panig ng Bise Presidente na ang mga alegasyon ay pawang “legal conclusions” o haka-haka lamang.

“But we have to be very clear — everything that has been discussed previously are not based on speculation, these are based on evidence,” saad niya.

Aniya, may matibay na batayan ang mga reklamo, kabilang ang mga ulat ng Commission on Audit (COA) at mga naunang pagdinig ng House committee on good government and public accountability o House Blue Ribbon Committee hinggil sa umano’y maling paggamit ng confidential funds.

“Hindi ho totoo na all of these are based on conjecture,” giit ni Ridon.

Tinukoy rin niya ang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte, ang sinasabing hindi maipaliwanag na yaman, at ang COA findings bilang konkretong batayan ng mga reklamo.

“The existence of a SALN is a fact. Hindi puwedeng sabihing walang facts,” sinabi ni Ridon.

Ayon kay Ridon, mula 2007 hanggang 2024, tinatayang nasa P30 milyon hanggang P40 milyon lamang ang estimated cumulative salary ng Bise Presidente, na hindi umano tugma sa naiulat na net worth na humigit-kumulang P88 milyon noong 2025 — isang agwat na kailangang maipaliwanag.

Sinabi ni Ridon na maglalabas ng subpoena ang komite para sa mga rekord ng negosyo, buwis at propesyon upang masuri kung may sapat na paliwanag ang mga ari-arian.

Tungkol naman sa confidential funds, iginiit niyang suportado ng mga ulat ng COA ang mga paratang, kabilang ang hindi bababa sa P70 milyong disallowance.

“Hindi ho ito haka-haka. These are official audit findings,” aniya at binigyang-diin na ang confidential funds ay hindi maaaring gamitin sa non-confidential activities gaya ng team building.

Kasabay nito, tiniyak ni Ridon na mahigpit na sinusunod ng komite ang due process sa buong takbo ng pagdinig.

“Sa usapin ng due process, maingat ho talaga tayo,” aniya, at sinabing nabigyan na si Duterte ng maraming pagkakataon na tumugon at maaari siyang magharap ng ebidensiya sa bawat yugto ng proseso.

“I think it would be inaccurate to say na just because she will not appear, said and done na ang determination of probable cause,” dagdag pa ni Ridon.

Magpapatuloy ang House committee on justice sa mga pagdinig upang matukoy kung may probable cause ang mga reklamong impeachment laban kay Vice President Duterte.