Oil

Implasyon, pagkain, turismo apektado kung oil crisis tatagal

153 Views

NAGBABALA si Senador Sherwin Gatchalian na maaaring umabot sa double-digit ang implasyon kung hahaba ang problema sa suplay ng langis dulot ng tensyon sa Middle East, at maaari itong tumama sa pagkain, iba pang pangunahing bilihin, at magtulak sa gobyerno na maghanda ng mas malawak na relief at contingency measures.

Sa Kapihan sa Senado noong Miyerkules, sinabi ni Gatchalian na manageable pa sa ngayon ang sitwasyon dahil may suportang natatanggap ang transport groups at iba pang oil-sensitive industries, pero dapat umanong maging handa ang gobyerno kung lalampas sa 60 araw ang disruption o kung hihigpit pa ang suplay ng langis.

“That’s possible. Based on yesterday’s simulation nakita natin na kayang umabot ng double-digit,” sabi ni Gatchalian nang tanungin kung posible ang double-digit inflation.

Ipinaliwanag niya na kapag kumalat ang epekto ng mataas na presyo ng langis sa pagkain at iba pang pangunahing bilihin, maaaring ikonsidera ng Pangulo ang price cap o price control upang mapigil ang lalo pang pagtaas ng presyo. Idinagdag niya na isa sa mga unang hakbang na pinag-aaralan ay ang pagsuspinde sa excise tax sa fuel, na aniya’y makapagbibigay din ng ginhawa sa middle class.

Binigyang-diin din ni Gatchalian ang usapin ng jet fuel at sinabing nasa 24 days ang supply batay sa ulat na tinalakay nila. Ayon sa kanya, ang pagtaas ng aviation fuel ay maaaring magdulot na maging hindi na praktikal ang ilang ruta at makaapekto sa turismo, gaya ng iniulat na suspensyon ng Cebu Pacific flight mula Iloilo patungong Singapore.

Sinabi rin niya na may natukoy ang Senate PROTECT Committee na posibleng pagtitipid sa ilalim ng iba’t ibang austerity scenarios, kabilang ang humigit-kumulang P80 bilyon sa 10 percent reduction model at nasa P160 bilyon hanggang P170 bilyon sa mas malalim na bawas sa non-essential spending tulad ng travel at training. Aniya, nais ng komite na makapaglabas agad ng mga rekomendasyon dahil nagpapatuloy ang krisis.

Pagdating sa kuryente, sinabi ni Gatchalian na malabong humantong sa brownout ang kasalukuyang sitwasyon dahil nasa three percent lamang ang bahagi ng oil sa energy mix ng bansa at may suplay pa ng coal, LNG, natural gas, at renewables. Gayunman, sinabi niyang ang mas malaking panganib ay ang pagtaas ng singil sa kuryente, lalo na sa mga isla at missionary areas na umaasa pa sa oil-based generation.

“So ang aking panawagan kahapon kay ERC chairperson, huwag naman one time big time din sa kuryente,” aniya, at idinagdag na maaari namang staggered ang adjustment gaya ng ginawa noon upang maiwasan ang bill shock.

Sinabi rin niya na dapat samahan ang krisis ng pagtitipid ng gobyerno at ng publiko, kabilang ang pagbawas sa mga hindi kailangang biyahe at mas mabilis na paglipat sa hybrid at electric vehicles, habang ipinagpapatuloy ang pagtalakay sa mas malawak na national contingency plan at posibleng kooperasyon ng ASEAN sa petroleum reserves.