Tricycle

Malapitan, TODA may pa-libreng sakay sa tricycle sa Caloocan

Edd Reyes Mar 29, 2026
227 Views

NAKIPAG-ALYANSA si Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan sa mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Associations (TODA) upang maghandog ng libreng sakay sa Lungsod ng Caloocan.

Sa ilalim ng programa, magsisimulang maghandog ng libreng sakay tuwing “rush hour” ang mga tricycle driver na miyembro ng TODA sa Abril 6 mula alas-7:00 hanggang alas-9:00 ng umaga at alas-5: 00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi kung saan dagsa ang mga pasahero.

Bilang kapalit, babayaran ng lokal na pamahalaan ng P695 ang mga tricycle driver para sa apat na oras na serbisyo kada araw. Ang mga interesadong aplikante ay puwedeng makipag-ugnayan sa Pangulo ng kanilang TODA o sa Tricycle and Pedicab Regulatory Services (TPRS).

“Nais natin na tulungan ang sektor ng transportasyon at maging ang mga mananakay. Naglaan na po tayo ng pondo upang mabigyan sila ng insentibo na makakatulong sa kanilang hanapbuhay kasabay ng pagbibigay ng libreng serbisyo para sa mga kababayan nating commuter,”pahayag ni Mayor Along.

“Alam ko po na malaking pagsubok sa ating lahat ang pagtaas ng presyo ng langis dahil hindi lang po transportasyon ang apektado kundi pati na rin ang presyo ng mga pangunahing pangangailangan, kaya naman makakaasa po kayo na nakalatag na po ang iba pang programa upang tugunan ang kasalukuyang krisis at paghandaan pa ang ibang mga posibilidad,” dagdag ng alkalde.

Bukod sa mga tricycle driver, pina-plantsa na rin ng lokal na pamahalaan ang programang Libreng Sakay para naman sa mga pampasaherong jeep.