Caloocan

Mag-asawa pinatay ng kapitbahay dahil sa away sa lupa

Edd Reyes Apr 6, 2026
111 Views

DEDO ang mag-asawa nang pagbabarilin ng 64-anyos na kapitbahay Linggo ng hapon sa Caloocan City.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang 45-anyos na mister at 50-anyos niyang misis na naging sanhi ng agaran nilang kamatayan habang mabilis na tumakas ang suspek, dala ang ginamit na armas.

Batay sa tinanggap na ulat ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Anthony Aberin, nag-ugat ang pamamaril ng suspek matapos ang mainitan niyang pakikipagtalo sa mga biktima hinggil sa bahagi ng lupa na nasakop sa katabing bakod na sobra sa nakasaad sa titulo o tinatawag na excess lot dakong alas-2:45 ng hapon sa Brgy. 167 Llano Road, North Caloocan.

Kaagad namang iniutos ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz ang pag-activate sa Deployment and Location Cross Innovation (DLX) na naging daan upang matukoy ng pulisya ang mga dinaanang lugar ng suspek sa kanyang pagtakas.

Sa ginawang malawakang pagtugis at dragnet operation ng kapulisan, asukol nila ang tumatakas na suspek na sakay ng itim na Yamaha N-Max motorcycle sa bisinidad ng Barangay 167.

Nakumpiska ng mga pulis sa suspek ang kalibre .45 pistola at dalawang magazine na kargado ng mga bala. Mahaharap siya ngayon sa dalawang bilang na kasong murder at paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Caloocan City Prosecutor’s Office.