Calendar
37 arestado sa Oplan Galugad sa Mandaluyong

UMABOT sa 37 indibidwal ang nahuli sa isinagawang “Oplan Galugad” ng Mandaluyong City Police sa Barangay Addition Hills bilang bahagi ng pinaigting na kampanya kontra-kriminalidad.
Pinangunahan ni Mandaluyong City Police Chief Col. Reynan Patam ang isinagawang operasyon kasunod ng paglulunsad ng Safer Cities Initiative ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Nagsagawa ng pagpatrolya ang Mandaluyong Police kasama ang barangay action center sa Addition Hills kung saan ilang menor de edad ang naabutan nasa lansangan lampas sa curfew hours.
Dinala ang mga ito sa barangay hall habang ang mga social worker ay nakipag-ugnayan sa kani-kanilang magulang. Binigyan ang mga lumabag ng multa mula first offense na 150 plastic sachets o empty bottles, 2nd offense na 300 plastics at 3rd offense na 600 plastics. Karamihan sa mga nahuli ay pinalaya rin matapos mabigyan ng ticket.
Ayon sa pulisya, bahagi ang operasyon ng mas pinaigting na pagpapatupad ng mga lokal na ordinansa, kabilang ang curfew regulations para sa mga menor de edad, oras ng videoke, pagbabawal sa paninigarilyo, pag-inom sa pampublikong lugar, pagtambay at paglalakad ng walang pang-itaas sa mga pampublikong lugar. Ni MARVIN EMPAYNADO
