PNP Source: PNP

Gatchalian itinutulak Lifeguard Act para maiwasan kaso ng lunod sa public pools

285 Views

ANG pagkasawi ng dalawang estudyante sa Morong, Bataan at isang limang taong gulang na batang babae sa Don Salvador Benedicto, Negros Occidental nitong Holy Week break ang muling nagbigay-diin sa panawagan para sa lifeguards sa mga pampublikong swimming pools, kasabay ng panibagong pagtutulak ni Senador Sherwin Gatchalian sa Lifeguard Act.

Muling inihain ni Gatchalian ang panawagan matapos iulat ng Philippine National Police na umabot sa 59 ang mga insidente ng pagkalunod sa buong bansa mula Marso 29 hanggang Abril 5, mas mataas ng 136 percent kumpara sa 25 na naitala mula Marso 21 hanggang Marso 28, o sa linggo bago ang Semana Santa.

“Nakakalungkot na may mga kabataan tayong binawian ng buhay dahil sa pagkalunod, bagay na maaari sana nating maiwasan kung sapat ang mga hakbang na ginagawa natin upang tiyakin ang kaligtasan nila,” ani Gatchalian.

“Kaya patuloy nating isinusulong ang ating panukalang magkaroon ng lifeguards ang mga pampublikong swimming pools upang maiwasan ang ganitong mga trahedya,” dagdag niya.

Sa ilalim ng 20th Congress, muling inihain ni Gatchalian ang Lifeguard Act o Senate Bill No. 1517, na naglalayong iatas ang pagkakaroon ng qualified lifeguards sa lahat ng pampublikong swimming pools at bathing facilities.