Chua

Chair Chua: Limitado sa paglilinaw na mga tanong pagdinig sa Abril 14, di ito paglilitis

86 Views

SINABI ni House Committee on Good Government and Public Accountability chairman Joel Chua ng Maynila noong Huwebes na ang mga pagdinig sa Abril 14 sa kasong impeachment laban kay Vice President Sara Z. Duterte ay lilimitahan lamang sa mga tanong para sa paglilinaw, at iginiit na hindi nagsasagawa ng paglilitis ang Kamara.

“Ang pagdinig sa Abril 14 ay nakatuon lamang sa mga tanong para sa paglilinaw, hindi ito paglilitis. Walang cross-examination sa yugtong ito—hindi pa ito ang tamang forum para doon. Sa Senado iyon,” ani Chua, isang abogado at miyembro ng House Committee on Justice, sa isang pahayag.

Binigyang-diin niya na ang mga pagdinig sa Kamara ay bahagi pa rin ng paunang pagsusuri, at pinawi ang kalituhan sa paggamit ng terminong “mini-trial.”

“Ang paggamit ng terminong ‘mini-trial’ ay simpleng paglalarawan lamang. Sa esensya, ang proseso ay nananatiling paunang pagsusuri, hindi pa paglilitis,” paliwanag niya.

Ayon kay Chua, ang nalalapit na pagdinig ay hindi ang tamang lugar para sa masusing pagbusisi o detalyadong depensa, at ang mga prosesong ito ay para sa Senado.

“Hindi pa ito ang venue para sa malalimang pagbusisi o detalyadong pagdepensa. Ang masusing pagsusuri, kabilang ang cross-examination, ay mangyayari lamang sa aktuwal na paglilitis sa Senado,” dagdag niya.

Sinabi ng lider ng Kamara na ilang mahahalagang resource person ang inimbitahang humarap, kabilang sina Atty. Cynthia Viñas-Pantonal, na nag-notaryo ng affidavit ni Ramil L. Madriaga; Atty. Wesley T. Poa; Commission on Audit State Auditor 5 Atty. Gloria Camora; Marivic M. Pareja ng House Legislative Archives; si Madriaga mismo, na tinukoy bilang umano’y bagman ng Bise Presidente;

Atty. Karen S. Batu, OIC – Central Records Division, Office of the Ombudsman; Atty. Charlito Martin R. Mendoza, Commissioner ng Bureau of Internal Revenue (BIR); Atty. Melvin A. Matibag, Director ng National Bureau of Investigation (NBI); Atty. Francis Edralin Lim, Chairperson ng Securities and Exchange Commission (SEC); National Statistician at Philippine Statistics Authority Chief na si Claire Dennis S. Mapa, PhD., at iba pang opisyal.

Binigyang-diin ni Chua ang kahalagahan ng kanilang mga testimonya sa pagpapatunay ng pagiging tunay ng mga ebidensyang iniharap sa komite.

“Ang mga tanong ay basic ngunit mahalaga: pagpapatunay ng affidavit, pirma, at boluntaryong pagsumite ng testimonya,” ani Chua. “Layunin nitong matiyak na ang mga ebidensya ay lehitimo bago ito umusad sa susunod na yugto.”

Inihalintulad niya ang papel ng komite sa isang piskal na nagsasagawa ng paunang pagsusuri, na nakatuon sa pagtukoy kung may sapat na batayan upang isulong ang kaso.

“Ang papel ng komite ay katulad ng isang piskal sa paunang pagsusuri—tinitingnan kung may sapat na basehan ang mga alegasyon,” ani Chua.

“Sinusuri kung ang mga testigo at dokumento ay may kredibilidad at may saysay para dalhin sa susunod na antas,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin ni Chua na mahalaga ang pagpapatunay sa yugtong ito, at nagbabala na ang mga hindi napapatunayang pahayag ay maaaring magpahina sa kaso.

“Kritikal ang pagtiyak na ang mga pahayag at ebidensya ay tunay at hindi mapapasinungalingan. Kung ang isang testigo ay hindi makakapagpatunay sa sariling affidavit o pirma, nawawala ang bigat ng kanyang testimonya,” ani Chua.

Sa kabila ng limitadong saklaw ng pagdinig, iginiit ni Chua na lubos na iginagalang ang karapatan ng Bise Presidente.

“Lahat ng posibleng pagkakataon para sa due process ay ibinibigay sa Vice President. Walang pagkukulang sa pagkakataong makasagot, makalahok, at maipagtanggol ang sarili. Ang proseso ay bukas, patas, at ganap na sumusunod sa mga garantiya ng Konstitusyon,” aniya.

Muling iginiit ni Chua na ang mga pagdinig sa Kamara ay unang hakbang lamang, at ang buong paglilitis ay magaganap sa Senado.

“Ang tunay na ganap na paglilitis—kung saan may cross-examination at masusing paghimay ng ebidensya—ay eksklusibong mangyayari sa Senado,” ani Chua.

“Doon pa lamang ganap na haharap ang depensa at prosekusyon sa mas malalim na pagtatalo ng kaso,” dagdag niya.