NBI

NBI hinuli Indian national

Jon-jon Reyes Apr 10, 2026
81 Views

ARESTADO ng mga agents ng National Bureau of Investigation-Ilocos Regional Office (NBI-IRO) ang isang Indian national dahil sa kasong panggagahasa at paglabag sa Article 212 (corruption of public officials) ng Revised Penal Code noong Lunes.

Nahuli ang suspek nang mag-apply noong Marso 17 ng NBI clearance. Sa pagpoproseso ng kanyang aplikasyon, may lumabas na “with hit” sa ilalim ng kanyang pangalan.

Nabatid na may nakabinbing warrant of arrest sa suspek para sa panggagahasa sa Regional Trial Court ng Capiz.

Pinayuhan siyang kumuha ng court clearance at sertipiko na nagpapatunay na hindi siya ang indibidwal na kinasuhan ng krimen.

Makalipas ang ilang linggo, nakipag-usap ang suspek sa Officer-in-Charge ng clearance section at nagtanong kung magkano ang kailangan niyang bayaran para sa paglabas ng kanyang NBI clearance.

Humantong sa pagkakaaresto sa Indian national ang sitwasyon habang siya ay nasa akto ng pag-aabot ng inaalok na bribe money.

Pinuri ni NBI Director Atty. Melvin Matibag ang mga ahente ng NBI-IRO sa kanilang pagkilos at nahuli ang Indian.

Pinatibay ni Director Matibag ang integridad ng ahensya.