Calendar
Suporta ng gobyerno hiniling upang mapatatag suplay, presyo ng isda
HABANG napipilitang magbawas ng operasyon ang ilang tuna fleet at canneries dahil sa tumataas na gastos sa krudo, itinutulak ang agarang suporta ng pamahalaan upang maprotektahan ang mga trabaho, mapatatag ang suplay ng isda, at mapanatiling abot-kaya ang isa sa pangunahing pinagkukunan ng protina ng mga pamilyang Pilipino.
Ang mga position paper ay iniharap sa Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform kaugnay ng pagdinig nito noong Abril 8 sa ilalim ng Proposed Senate Resolution No. 346 hinggil sa epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa agricultural at fisheries production at sa kahandaan ng mga ahensya ng pamahalaan na magbigay ng napapanahong suporta sa mga magsasaka at mangingisda.
Ayon sa Socsksargen Federation of Fishing and Allied Industries Inc., lima sa 28 tuna fleet na nangingisda sa High Seas Pocket 1 ang tumigil na sa operasyon, habang seryosong pinag-iisipan na rin ng iba pa ang pagsuspinde dahil hindi na kayanin ang gastos sa operasyon. Sinabi ng grupo na ang fuel, na dati’y umaabot lamang sa 40 porsiyento hanggang 60 porsiyento ng kabuuang operating cost, ay nasa humigit-kumulang 70 porsiyento hanggang 80 porsiyento na ngayon.
Ayon pa sa grupo, maaaring maapektuhan ang 68,805 mangingisda, 279,220 manggagawa sa processing, logistics, at allied industries, at humigit-kumulang 9.8 milyong Pilipino pagdating sa food security. Iminungkahi nito ang agarang pagpapatupad ng fuel excise tax suspension mechanism, P10 kada kilo na unloading support sa pamamagitan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, at emergency assistance para sa displaced fishers at fishworkers.
Samantala, sinabi ng Tuna Manufacturers Association of the Philippines na ang imbentaryo ng hilaw na materyales ng mga canneries sa General Santos ay sapat na lamang sa loob ng 1.5 hanggang 2 buwan. Idinagdag nito na dalawa nang canneries ang pansamantalang huminto sa operasyon sa loob ng dalawang linggo, bumaba ang daily utilization mula 830 metric tons tungong 580 metric tons, at lumiit ang headcount mula 15,900 tungong 12,750.
Babala ng grupo, ang pagbawas ng suplay ng isda ay hindi lamang nagpapabagal sa mga pabrika kundi nakaaapekto rin sa kabuhayan, at ang patuloy na pagkaantala ay maaaring humantong sa mas mahabang shutdown, pagkawala ng trabaho, at pagtaas ng presyo ng canned at processed fish products.
Sa hiwalay na position paper, sinabi rin ng canned sardines industry na ang pagtaas ng fuel at logistics costs, paghigpit ng suplay ng tamban, at mas mataas na regulatory expenses ay naglalagay ng pressure sa isa sa pinakaabot-kayang pinagkukunan ng protina ng mga low- at middle-income households.
Ayon sa mga grupo ng industriya, makatutulong ang maagap na interbensyon upang manatiling umaandar ang mga bangka, maprotektahan ang mga trabaho sa buong fisheries value chain, at maiwasan ang karagdagang pagtaas ng presyo ng isda dahil sa kakulangan ng suplay.

