Calendar
Bato isasakripisyo ba sweldo para sa mga Pilipino?
NAG-IISIP ng mga pamamaraan ang Kongreso upang makalikom ng pondo na kailangan ng pamahalaan para tustusan ang mga programang makakatulong na maibsan ang nararanasang hirap ng mamamayan dulot ng krisis sa langis.
Kabilang dito ang muling pagpapaliban ng Barangay at SK election sa Nobyembre 2 para daw magamit muna ang nakalaang pondo rito na P19 bilyon, pati na rin ang hindi pagtanggap ng sahod ng anim na buwan ng lahat ng mga kongresista.
Pero sabi ni Comelec Chairman George Erwin Gacia, nagastos na raw sa paghahanda sa SK at Barangay election ang P3 bilyon at ang P16 na bilyong natitira ay hindi naman daw puwedeng ilipat sa ibang pagkakagastusan dahil labag ito sa Saligang Batas.
Sabi naman ni Cong. Benitez, nasa Department of Budget and Management (DBM) pa raw ang pondo kaya puwede itong ideklarang savings kaya maaaring magamit sa ibang pagkakagastusan ng pamahalaan.
Ang isa pang “suntok sa buwan” na panukala ni House Deputy Speaker at Bacolod Rep. Albee Benitez ay ang hindi muna pagtanggap ng sahod ng mga kongresista sa loob ng anim na buwan.
Kung sasang-ayon ang 381 na mga kongresista, ang bawa’t isa sa kanila ay makakapag-ambag ng mula P1,782,000 hanggang P1,800,000 batay sa buwanan nilang sahod na mula P298,000 hanggang P300,000.
Kapag nangyari ito, makakalikom ang Kongreso ng mula P678,942,000 hanggang P685,800,000 sa loob ng anim na buwan na malaking ambag na rin sa pamahalaan.
Sakali namang nakiisa rin sa hindi pagtanggap ng sahod ng anim na buwan ang 24 na Senador na sumasahod ng mula ₱293,191 hanggang ₱334,059 kada buwan, ang bawa’t isa sa kanila ay makakapag-ambag ng mula P 1,759,146 hanggang P2,004,364 sa loob ng anim na buwan.
Sa 24 na Senador, si Senate President Tito Sotto III lang ang boluntaryong hindi tumatanggap ng sahod at sa halip sy ibinibigay niya ito sa scholarship program ng mahihirap na estudyante.
Ang tanong, papayag kaya si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na hindi ibigay ang kanyang sahod sa loob ng anim na buwan lalu’t sarap buhay siya sa pagtanggap nito kahit hindi nagta-trabaho?
Sunog sa Navotas Sanitary Landfill, kapabayaan umano ng operator
KUNG hindi raw naging pabaya ang dating operator ng Navotas Sanitary Landfill, hindi sana sisiklab ang sunog na labis na nakaapekto sa kalidad ng hangin, hindi lamang Navotas City, kundi sa karatig bayan at lungsod.
Sabi kasi ni Mayor John Rey Tiangco, basta na lang inabandona ng dating operator ang landfill sa halip na tapusin ang planong pagsasara bago ipasa sa pribadong kompanya na sila ngayong nagmamay-ari.
Umabot ng tatlong araw na pabago-bago ang kalidad ng hangin sa malaking bahagi Kamaynilaan dahil kahit kontrolado na noon pang Linggo ang sunog, muling sisiklab ang apoy dahil sa sobrang init .
Sabi ni Mayor Tiangco, nagpadala na sila ng mga filling materials para patungan ang mga basura nang hindi pumasok ang oxygen para tuluyan ng maapula ang pagsiklab ng apoy.
Kumilos na rin ang iba pang ahensiya tulad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para tumulong sa pribadong kompanyang umookupa ngayon sa mahigit 40-ektaryang isla para matuldukan na ang problema.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com
