Calendar
Gobyerno, importers, customs brokers di dapat nagbabangayan
MALIGAYANG araw sa ating mga tagasubaybay, lalo na sa mga kababayan natin sa Japan.
Nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan.
Binabati natin sina Ma. Theresa Yasuki, Mama Aki ng Ihawan, Glenn Raganas, Patricia Coronel, La Dy Pinky, Endo Yumi, , Roana San Jose, Winger dela Cruz, Yoshiko Katsumata, Josie Gelo, Hiroki Hayashi, at Hiroshi Katsumata.
Ganun din kina Joann de Guzman at mga kasama niya sa Oman; Nida Reyes, Dolores Monfero at Delia Sunga ng Saudi Arabia.
God Bless sa inyong lahat!
***
Hindi lang ang mga ipinagbabawal na gamot, na kagayang shabu, cocaine, ecstasy at marijuana, ang dapat hindi makapapasok sa bansa.
Lalong-lalo na ang mga contaminated na produktong pagkain, na katulad ng karne at isda.
Ang mapapahamak lang sa mga illegal na droga ay ‘yong mga adik o drug-dependent, pero ang contaminated na pagkain, pati mga bata at matatanda ay mapapahamak.
Ang mga produktong ito ay baka nakalalason.
Delikadong makarating sa consumers ang mga contaminated na pagkain.
Mabuti na lang at nakaalerto ang mga taga-Bureau of Customs(BOC).
Kamakailan nga lang ay pinangunahan mismo ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang inspeksyon ng 22 abandonadong refrigerated containers na naglalaman ng contaminated food products.
Ang laman ng refrigerated containers, na galing sa iba’t- ibang bansa, ay frozen na karne at isda na nagkakahalaga ng mahigit na P178 milyon.
Ang 22 shipments ay isinailalim sa customs custody sa Manila International Container Port (MICP) pagkatapos kurpirmahin ng CIIS ang “compromised cold chain conditions.”
Ang kumpirmasyon ay nagresulta sa “thawing of their (containers) contents.”
Ang 22 containers ay galing ng Brazil, the Netherlands, United States, United Kingdom, France at Australia.
Tumitimbang ng 576,911. 28 kilograms, ang mga frozen beef, pork, chicken at isda ay nakatakdang sirain ng mga otoridad.
Sa inspeksyon, sinabi ni Commissioner Nepomuceno: “Isa talaga sa mga susi upang masawata ang pagpupuslit ng mga produktong pang agrikultura ay ang maigting na pagbabantay ng BOC.”
Sinabi naman ni MICP District Collector Felipe Geoffrey K. de Vera na makakaasa ang publiko na “all imported food products comply with legal, sanitary and safety standards.”
Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pigilan ang pagpasok ng mga pagkaing makasasama sa kalusugan ng taumbayan .
***
Mahalaga ang papel na ginagampanan ng importers at customs brokers sa programa ng gobyerno na makalikom ng sapat na pondo.
Ito ay para ma-implement ang iba’t ibang socio-economic development projects ng gobyerno nasyonal sa buong bansa.
Huwag natin kalimutan na kung walang importasyon ay walang papatawan ng buwis, taripa at ibang bayarin ang Bureau of Customs (BOC).
Sa pamamagitan ng kanilang mga customs brokers ay maayos at mabilis na nailalabas sa aduana ang mga i mportasyon ng mga importador.
Dapat talaga magtulungan ang gobyerno, importers at customs brokers.
Sa totoo lang, ang tatlo ay “partners in nation-building” at hindi sila dapat nagbabangayan.
Sa kagustuhang matulungan ang mga negosyante ay ginawang tatlong taon na ang validity period ng isang “importer accreditation.”
Dati ay taun-taon nire-renew ng mga importador ang kanilang accreditation. Dagdag trabaho at gastos ito sa mga negosyante.
Bago nito ay pinalawig din ng Department of Finance (DOF) and validity period ng customs broker accreditation.
Kagaya ng sa importer, mula isang taon ay tatlong taon rin ang validity ng customs broker accreditation.
Sa tingin ng marami ay nasa tamang landas ang ginagawa ng DOF at BOC para mabawasan ang red tape sa dating snake-infested na aduana.
***
(Para sa komento at pagbati, mag-text sa 0917-8624484)

