Calendar
Larawan: Pangasinan PPO via PNA
P1.4M iligal na yosi na-checkmate sa Bayambang checkpoint






Nasabat ng mga awtoridad ang tinatayang ₱1.4 milyong halaga ng iligal na sigarilyo sa isang checkpoint operation sa Bayambang, Pangasinan nitong Abril 17.
Ayon sa Pangasinan Police Provincial Office, pinara ng mga operatiba ang isang puting Toyota Hi-Ace Commuter sa Barangay Zone I para sa routine inspection. Sa isinagawang pagsusuri, nadiskubre ang ilang kahon ng sigarilyo na nakatago sa loob ng sasakyan.
Lumabas sa beripikasyon na ang mga pakete ay may pekeng tax stamps ng Bureau of Internal Revenue—patunay na hindi nabayaran ang kaukulang buwis, na paglabag sa National Internal Revenue Code na inamyendahan ng TRAIN Law at sa Graphic Health Warnings Law.
Kabuuang 35 kahon na naglalaman ng 1,720 reams ng iba’t ibang uri ng sigarilyo ang nakumpiska. Wala ring naipakitang dokumento ang mga sangkot hinggil sa transportasyon at pagmamay-ari ng mga produkto.
Arestado ang tatlong indibidwal na umano’y nagbibiyahe ng mga kontrabando. Dinala ang mga ebidensya sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso.
Iginiit naman ni Pangasinan Police Director Col. Arbel Mercullo na ipagpapatuloy ang mas pinaigting na operasyon laban sa mga iligal na aktibidad upang maprotektahan ang kapakanan ng publiko.
