Calendar
Sotto: Pag-alis sa oil deregulation pag-aralan
SINABI ni Senate President Vicente Sotto III na dapat pag-aralan ng pamahalaan ang pag-alis sa oil deregulation dahil makatutulong ang mas direktang kontrol ng estado upang masuri kung paano itinatakda ng mga kumpanya ng langis ang presyo ng produktong petrolyo.
Sinabi ni Sotto na sang-ayon siya sa mga hakbang na ginagawa upang tugunan ang oil crisis ngunit iginiit na dapat pa ring balikan ng pamahalaan ang oil deregulation.
“Ako lahat ng kilos na ginagawa nila para i-address ang oil crisis, I agree, I concur. Except gusto ko pa rin, pag-aralan pa rin nila, sinasabi ko, na alisin natin ang oil deregulation,” ani Sotto.
Ipinaliwanag niya na sa ilalim ng sistemang wala ang oil deregulation, mas may kakayahan ang gobyerno na usisain ang mga kumpanya ng langis hinggil sa halaga ng kanilang biniling produkto at sa tiyempo ng kanilang pagbili.
Idinagdag ni Sotto na may inihain na siyang panukalang batas kaugnay nito at nabatid din niyang may kaparehong hakbang na inihain sa House of Representatives.
Nang tanungin kung dapat ba itong gawing priority bill, sumagot si Sotto ng “sana.”

