Edd Reyes

Reaksyon sa pagpapaliban ng BSKE samot-sari

Edd Reyes Apr 22, 2026
35 Views

NANG umugong ang balitang ipagpapaliban muli ang Barangay at SK election (BSKE), samot-sari ang naging reaksiyon ng marami lalu na sa mga botante na umaasang makapaghalal ng bago nilang Punong Barangay.

Pumapalakpak naman pati ang tenga sa tuwa ng mga nakaupong opisyal ng barangay, lalu na yung mga nasa huli ng termino, dahil nga mapapalawig pa ng isang taon ang kanilang pangungulimbat, este, paglilingkod sa kanilang mga constituents.

Lalu pa ngang pinalakas ang pag-asa ng mga uhaw sa puwestong Kabesa ng Barangay nang mapaulat na bukas si Pangulong Bongbong Marcos, Jr. sa panukala lalo na kung makakatulong ito sa pagtitipid ng pondo ngayong dumaranas tayo ng krisis bunga ng sigalot sa Gitnang Silangan.

Pero hindi dapat umasa ang mga sabik sa puwestong opisyal ng barangay dahil marunong makinig at sumuri sa pulso ng nakararami si Pangulong BBM kahit pa nga kailangan talaga ang makatipid at makalikom ng pondo para matustusan ang mga ayuda sa mamamayan.

Sa lawak kasi ng kapangyarihan ng social media, masusuri na ng Pangulong BBM ang pulso ng marami kung pabor ba sila o hindi na ipagpaliban ang halalang pam-barangay.

Bukod pa rito ang hayagang pagtutol ng ilang mga mambabatas, kabilang na si Senator Sherwin Gatchalian, na nagsabing “unsconstitutional” ito lalu’t may budget pa raw ang pamahalaan para suportahan ang mga programang pantulong sa mamamayan.

Maging ang kilalang poll watchdog na National Citizens’ Movement for Free Elections or NAMFREL ay tutol din sa pagpapaliban ng BSKE dahil banta raw ito sa demokrasya lalu na’t hindi raw maaaring gamitin ang budget para rito sa ibang paraan.

Sabi pa ng Namfrel, ang magkasunod na pagpapaliban sa BSKE ay kahalintulad ng pagkakait sa mga Filipino, lalu na ang mga kabataan, na makapili ng inaakala nila ay mga tamang lider ng barangay na pinakamaliit na yunit ng pamahalaan sa bansa.

Sa ngayon, patuloy ang paghahanda ng Comelec sa BSKE at sa katunayan, gumastos na nga raw sila ng P3 bilyong piso mula sa P19 na bilyong budget na nakalaan dito kaya abangan na lang natin ang susunod na kabanata.

Mga mini cargo van, hinaharang pa rin pagpasok sa Maynila

MAY ilan pa rin palang mga traffic enforcer sa Maynila ang hindi yata nakakaintindi sa inilabas na utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos sa mga Local Government Units (LGUs) hinggil sa pagpapatigil ng paningingil ng anumang uri ng pass-through fee at delivery fee sa mga sasakyang dumadaan sa pangunahing lansangan.

Nito lang kasing nakaraang Biyernes ng umaga, Abril 17, nadaanan ko ang mga nakahilerang mini cargo van, pati na isang cargo van na may kargang mga sariwa pang buko, sa Rizal Avenue Ext. paglagpas lamang ng R. Papa LRT Station patungong Maynila .

Malinaw na galing sa area ng Monumento ang mga sasakyan nang parahin ng mga traffic enforcers ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na paglabag sa utos ng Pangulo na hindi dapat abalahin ang mga sasakyang may kargang mga produktong pagkain at agrikultura.

Hindi ko na inurirat kung ano ang dahilan ng ginagawang pagpapahinto ng mga traffic enforcers sa mga delivery van dahil sabi nga nila, kailangan pa bang i-memorize yan?

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com